Mariing nilinaw ng pamunuan ng National Power Corporation na tuloy ang operasyon at serbisyo ng power provider na Delta P sa Palawan Electric Cooperative o PALECO.
Batay sa ipinatawag para sa question-and-answer hour ng Sangguniang Panglalawigan ng Palawan, sinabi ni Napocor Vice President Larry Sabellina na walang shutdown ng Delta P na mangyayari sa katapusan ng Setyembre dahil nakabayad na ito bilang paunang pagtupad sa obligasyong pinansiyal na nagkakahalaga ng mahigit sa P400,000,000.
“Meron pa silang sinisingil na wala pa sa due date. Ang babayaran yung isang buwan pa na due date ang kabuuan at kung ano lang yung dumating na billing ng NPC Yun lang (Kasi) ang ino- audit ng NPC for now, isang buwan pa lang,” pahayag ni Vice President Sabellina.
Sinabi pa ni Sabellina, tuloy tuloy na ang kanilang pagbayad ngunit depende ito sa availability ng pondo ng kanilang ahensiya, at hindi rin nila magagawang mag-advance payment dahil wala silang sapat na salapi para dito.
Idinagdag pa ni Sabellina na ginagawa na nila ang lahat ng kaparaanan upang madagdagan ang pondo ng National Power Corporation, kaya’t maaaring sa mga susunod na panahon ay makakamenos na rin sila sa kabuuang bayarin nito.
Samantala, nabatid sa katatapos na 3rd quarterly press conference ng Palawan Electric Cooperative na nakapagbayad na ang Napocor ng halagang ₱68 million para sa Delta P na kinokonsederang isang buwan pa lamang na obligasyon ito.
Bilang aksyon naman mula sa mga lokal na mambabatas ng Palawan, mariing hiniling ng mga miyembro ng konseho na magpalabas ng pondo ang pamahalaang nasyunal mula sa Malampaya funds para pambayad sa mga obligasyong pinansiyal ng National Power Corporation dulot ng hindi nababayarang Universal Charge on Missionary Electrification o UCME.
Bukod dito, nagpasa na rin ang konseho ng resolusyong pumapayag sa lokal na pamahalaang makapag-loan mula sa mga bankong pagmamay- ari ng pamahalaan na siyang gagamitin para pambayad o gastusin sa electrification function ng lalawigan.
Discussion about this post