Pinaulanan ng mga bala ng baril ang sasakyan ng negosyanteng Vietnamese national, kasama ang kanyang mag-ina, dakong 9 pm kahapon sa Sitio Palo-palo, Brgy. Burirao, Narra, Palawan.
Kinilala ang mga biktima na sina Sonny San Le, 44 taong gulang, may asawa at lobster buyer; Cherry Villar Chorima, 35, lobster buyer at ka-live-in partner ng nasabing Vietnamese national, ang kanilang anak na babae na apat na taong gulang na pawang mga residente ng Sitio Palo-palo, Brgy. Burirao, Narra at ang kanilang drayber na si Bryan Catantan Villarin, 21 anyos, binata, at residente ng Brgy. Culaba, Villaran, Leyte at pansamantalang naninirahan sa Sitio Palo-palo, Brgy. Burirao ng nasabing munisipyo habang ang mga suspek ay hindi pa nakikilala.
Sa spot report na ibinahagi ng Palawan PPO, nakasaad na dakong 9:10 pm kahapon ay tumawag sa COP hotline ng Narra MPS ang isa sa mga biktima na si Chorima at iniulat ang insidente at humingi ng police assistance na agad naman umanong tinugunan ng pulisya upang makumpirma ang report at magsagawa ng kaukulang imbestigasyon.
Ayon sa salaysay ng mga biktima, pauwi na sila sakay ng kanilang Toyota Surf Pick-up na may plate number XDR 736 at nang makarating sila sa bahagi ng sementeryo sa Brgy. Burirao ay hinarang ng dalawang suspek ang kanilang daraanan at pinaulanan sila ng bala ng baril ng ilang beses.
Nagtamo ng tama ng baril ang biktimang si Sonny Le sa kanyang ulo at kaliwang bahagi ng kanyang tiyan na sa kabutihang-palad ay mga daplis lamang at fructured sa kanyang kamay habang ang kanilang drayber ay nagtamo ng sugat sa kanyang panga habang maswerte namang hindi nasaktan ang mag-ina ng foreign national.
Batay pa sa impormasyon mula sa Provincial PNP, dahil sa tama ng drayber ay naihinto niya ang sasakyan habang ang biktimang si Sonny Le, kasama ang kanyang kinakasama at ang kanilang anak ay nagawang makalayo sa mga nanambang. Madalian din umanong tumakas ang mga suspek mula sa pinangyarihan ng insidente matapos ang pamamaril.
Agad namang isinugod sa Narra Municipal Hospital ang mga sugatang biktima upang ipagamot at kagabi rin ay inilipat sa Ospital ng Palawan sa Lungsod ng Puerto Princesa City ang Vietnamese national.
Ayon pa sa pulisya, ipinabatid ng biktimang si Sonny Le na bago ang pananambang ay nakatanggap na siya ng ilang death threat kaugnay sa kanyang negosyo.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Narra MPS ukol sa pamamaril sa nasabing mga biktima na isa sa tinitingnang anggulo ngayon ay ukol sa negosyo.
Discussion about this post