Maaaring pumasok na ang panahon ng tag-ulan sa bansa sa mga unang araw ng Hunyo, ayon sa pagtaya ng state weather bureau na PAGASA, sa gitna ng pabagu-bagong kondisyon ng panahon nitong Mayo.
Bagama’t may mga bahagi ng bansa, gaya ng Palawan, Mindanao, at ilang rehiyon sa Visayas, na nakakaranas na ng madalas na buhos ng ulan dahil sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ), iginiit ng PAGASA na hindi pa natutugunan ang mga teknikal na pamantayan para sa pormal na deklarasyon ng tag-ulan.
Kabilang sa mga kondisyong ito ang limang magkasunod na araw ng tuluy-tuloy na ulan at ang pag-iral ng southwesterly wind flow o habagat, na siyang karaniwang nagdadala ng malawakang pag-ulan sa western sections ng Luzon at Visayas.
Habang inaasahang patuloy ang epekto ng ITCZ hanggang Mayo 23, sinabi ng PAGASA na ang kasalukuyang umiiral pa rin sa malaking bahagi ng bansa ay ang easterlies — mainit at maalinsangang hangin mula sa Pacific Ocean — na nagdudulot ng matinding init tuwing araw at mga biglaang pag-ulan o thunderstorm sa hapon.
Tinatayang sa huling bahagi ng Mayo, mula ika-29 hanggang ika-31, maaaring magsimulang maramdaman ang habagat. Ngunit ang eksaktong petsa ng pagsisimula ng tag-ulan ay nakadepende pa rin kung kailan tuluyang matutugunan ang mga inaasahang kondisyon.
Sa mga nakaraang taon, karaniwang idinedeklara ng PAGASA ang tag-ulan sa pagitan ng kalagitnaan ng Mayo at unang bahagi ng Hunyo.














