Bilang tugon sa bagong school calendar ng Department of Education (DepEd) para sa taong 2025–2026, inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sa Hunyo na magsisimula ang monitoring ng education compliance at ang pagbibigay ng mga kaukulang cash grants sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program 4Ps.
Ayon sa 4Ps National Program Management Office (NPMO), ang hakbang ay nakabatay sa itinadhana ng 4Ps Act of 2019, na nagsasaad na ang edukasyong tulong pinansyal ay hindi dapat lumampas sa sampung buwan bawat taon kada batang mino-monitor. Layunin ng pagbabago na tiyaking ang mga grant ay ibinibigay lamang sa panahong ang mga bata ay aktwal na pumapasok sa paaralan.
Sasakupin ng bagong schedule ang Pay Period 3 na nakatakdang mula Hunyo hanggang Hulyo.
Sa ilalim ng programa, ang mga pamilyang benepisyaryo ay nakatatanggap ng P300 bawat buwan para sa mga batang nasa elementarya, P500 para sa junior high school, at P700 para sa senior high school, basta’t natutugunan nila ang minimum na 85% attendance rate.
Upang makwalipika para sa mga nasabing educational grants, kailangang naka-enroll ang mga batang edad tatlo hanggang labing-walo at masunod ang itinakdang attendance requirement.
Samantala, nilinaw din ng 4Ps NPMO na para sa Pay Period 2 ng 2025, na sumasaklaw sa buwan ng Abril hanggang Mayo — panahong may bakasyon sa mga paaralan — ang mga benepisyaryo ay makatatanggap lamang ng health grants, rice subsidies, at cash grants para sa First 1000 Days program. Ang huling nabanggit ay nakalaan para sa mga buntis at sa mga pamilyang may batang edad dalawa pababa.
Ang 4Ps, na inilunsad noong 2008 at isinabatas sa pamamagitan ng Republic Act 11310 noong 2019, ay pangunahing estratehiya ng pamahalaan para sa pagbabawas ng kahirapan. Sa pamamagitan ng conditional cash transfers, layunin nitong paunlarin ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang kabilang sa pinakamahihirap na pamilya.
Sa kasalukuyan, bawat pamilyang benepisyaryo ay tumatanggap ng P750 buwanang health and nutrition grant at P600 rice subsidy. Dagdag pa rito, may karagdagang P350 buwanang grant para sa mga buntis at sa mga kabahayang may mga batang wala pang dalawang taong gulang.














