Paiigtingin na ang seguridad tuwing gabi at inaasahang mas hihigpitan ang pagpapatupad ng curfew hours sa Narra matapos ang walang-awang pagpaslang sa 39-anyos na punong barangay ng Poblacion na si Roderick Aperocho noong Nobyembre 5, 2020.
Ito ang napag-usapan matapos ang isinagawang pulong ni Acting Mayor Crispin Lumba Jr., sampu ng mga pwersa mula sa Narra Municipal Police Station (MPS) kasama ang mga representate ng IATF, at mga barangay sa Narra noong Nobyembre 6.
Sa panayam ng Palawan Daily kay PMAJ Romerico Remo, hepe ng lokal na Narra MPS, sinabi nito na uumpisahan nang umikot ng mga pwersa ng kapulisan sa iba’t ibang bahagi ng munisipyo tuwing gabi gayundin ang mga tanod sa bawat barangay.
“’Yun ang gagawin natin, although maghihintay pa tayo ng resolusyon mula sa SB at saka sa mga augmentation ng mga naunang naipasang resolutions. Gabi-gabi ronda ang pwersa pati ‘yung mga tanod ng bawat barangay,” ani Remo.
Nag-iwan ng takot at alinlangan para sa mga residente ng Narra ang brutal na pamamaslang sa kanilang punong barangay sa mismong bakuran nito kagabi kung kaya’t ilan sa mga ito ang hindi napigilan maglabas ng saloobin sa Palawan Daily.
“Alam mo ‘yun? ‘Yung hindi ka na secured kahit nasa sarili mo nang tahanan. Ganoong pakiramdam,” ani Lydia Tanjusay, isang senior citizen sa Barangay Poblacion.
“Nakakatakot. Akala namin kagabi, paputok lang ‘yun. Tapos maya-maya may nagbalita na na si kapitan daw binaril,” ani Alfie Villamor, residente rin ng nasabing barangay.
Samantala, iginiit naman ni Remo na makasisiguro ang publiko na makakamit ng namayapang kapitan ang hustisyang isinisigaw ng naiwang pamilya at mga kaibigan.
Sa huli, nagpa-alala rin ito sa publiko na maging mapagmatiyag at mag-ingat lalo na sa gabi.
“Sa mga kababayan natin, doble ingat po sana tayo. Maging vigilante tayo at all times at maging mapagmatiyag kahit sa mga sairling tahanan natin,” ani Remo.
Discussion about this post