Kumakalat ngayon sa social media ang modus ng isang taong nagpakilalang tauhan ng Palawan Eye Center, isang klinika sa mata dito sa Palawan.
Sa Facebook post ni Osmonjoe Traquena, binalaan nito ang mga netizens dahil sa isang lalaking umiikot sa Taytay na nagpapakilalang empleyado ng Palawan Eye Center at nagbebenta ng pampatak sa mata na galing umano sa Germany pero Chinese at English daw ang nakasulat sa karton nito.
Nagpakilala umano ang lalaki na si Jun Villareal at anak umano ng isang Dra. Villareal.
Binebenta niya ang pampatak sa mata sa halagang P2000 pataas. Maliban pa rito, namimigay rin umano ang lalaki ng libreng salamin sa mata. Dali-dali din itong umaalis pag nakuha na nito ang perang pambayad sa kanyang mga binebenta.
Itinanggi naman ng Palawan Eye Center na tauhan nila ito.
Ayon kay Madonna E Denaga, Sight Preservation Coordinator ng Palawan Eye Center, P350 lamang ang kanilang pinakamahal na eye drops, malayo sa presyo ng nagpakilalang tauhan nila. Ipinagbawal din ng FDA ang pagbebenta ng naturang eye drops noon pang 2016.
Maliban pa rito, hindi sila nagbebenta ng eye drops kapag hindi nila natingnan ang pasyente, dahil anila, maselan ang mata at hindi ito dapat patakan ng kung anu-ano lamang.
Paniwala nila’y ginagamit lamang ang pangalan ng Palawan Eye Center dahil tanyag ito. Narito ang kanilang opisyal na pahayag:
“Mariing pinabubulaanan ng Palawan Eye Center ang pagbebenta ng pampatak o gamot sa mata ng tao na nagpapakilala na taga Palawan Eye Center. Bawal magbenta o magreseta ng gamot/pamatak na ang aling mang tao unless na pharmacist at doctor of medicine respectively. Hwag maniwala sa mga nag claclaim na galing sa anumang health facility. Picturan ang taong nagbebenta ng gamot o salamin at iforward sa awtoridad/police station at sa Palawan Eye Center thru Facebook account.
Ang binebentang gamot na ayon sa nagbenta na Germany made ay galing China. walang FDA approval ang naturang gamot.
Hwag maging biktima ng mga mapag-linlang na mga taong pumupunta sa mga barrio.”
Discussion about this post