Isa na namang Balintong ang na-rescue ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) kahapon sa Purok Old Site, Brgy. Ransang, Rizal.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng PCSD sa kanilang social media account kagabi, agad na nailigtas ng kanilang PCSDS-Wildlife Traffic Monitoring (WTM) Officer ang nasabing buhay-ilang, sa tulong ni Brgy. Kgd. Charlie Cudog Sr., dahil sa maagap na pagre-report nina Renita Genita at Amelito Masangcap.
Napag-alamang ang nasabing hayop ay isang babaeng Pangolin na may habang 23 pulgada at limang pulgadang lapad at may bigat na 1.5 kilo na sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng PCSD Staff.
“Pagpapaalala mula sa ahensiya ng PCSD, ang Pangolin ay kilala bilang isang critically endangered species na nanganganib nang mawala sa ating kapaligiran. Ito rin ay kabilang sa ‘World’s Most Trafficked Mammal Species’ at isa sa walong uri nito sa buong mundo ay makikita lamang sa Palawan,” ang bahagi ng post ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD).
Discussion about this post