Coron, Palawan – Halos 17 oras nang stranded sa gitna ng karagatang sakop ng Coron ang isang pampasaherong barko ng 2Go Travel na biyaheng Coron-Puerto Princesa matapos itong masiraan ng makina at ma-bahura ilang minuto lamang matapos nitong makaalis sa pier ng Coron pasado alas-4 ng hapon kahapon, Hunyo 8.
Ayon sa isang kaanak ng pasahero na pinili ng huwag pangalanan, namatay na ang kuryente ng barko kagabi pa, dahilan upang mawalan ng ilaw at kuryente ang buong sasakyan.
Dagdag pa rito, ubos na rin umano ang suplay ng tubig at pagkain para sa tinatayang 1,400 pasahero ng barko. Ang kakulangan ng pangunahing pangangailangan ay nagdulot ng labis na pangamba sa mga pasahero at kanilang mga pamilya.
“Nag-aalala na kami dahil hanggang ngayon ay walang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng 2Go,” ayon sa isang kaanak na nagnanais manatiling hindi magpakilala.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pag-antabay ng mga pamilya at kaibigan ng mga pasahero sa anumang bagong impormasyon mula sa mga kinauukulan.
Wala pang opisyal na pahayag na inilalabas ang 2Go Travel hanggang sa mga oras na ito.
Samantala, ayon naman sa Coast Guard District Palawan, balak ng MV St. Francis Xavier na bumalik sa port ng Coron para sa masusing pagsusuri bago magpatuloy sa biyahe nito.
Tinutulungan na rin ng CGS Northeastern Palawan ang pagbaba ng mga pasahero.
Sa pinakabagong update mula sa PCG na kanilang inilabas pasado 9AM ngayong Linggo, Hunyo 9, 106 na pasahero na ang nailigtas at nakababa na bandang alas-7:50 ng umaga. Isasagawa rin ang detalyadong inspeksyon ng barko bago ito payagang magpatuloy sa susunod nitong destinasyon.
Discussion about this post