Mariing kinondena ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) ang pananakit na naganap laban kay Barangay Chairman Ferdinand P. Zaballa ng Panacan, Narra, sa gitna ng isang pampublikong aktibidad araw ng Biyernes, Mayo 16.
Ayon sa ulat ng PCSDS, si Zaballa, na kasalukuyang tumatayong Acting Chair ng Palawan Council for Sustainable Development at Presidente ng Liga ng mga Barangay sa lalawigan, ay pinagsusuntok at sinakal ng isa pang halal na opisyal ng bayan habang nasa isang pampublikong pagtitipon. Ang insidente ay naganap sa harap mismo ng mga residente at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Tinawag ng PCSDS ang insidente bilang isang “hindi makatwirang pag-atake” at “isang lantad na paglabag sa mga pamantayang etikal at legal na inaasahan sa mga lingkod-bayan.”
Sa kanilang pahayag, iginiit ng ahensya ang kahalagahan ng paggalang, integridad, at pananagutan sa serbisyo-publiko. Anila, ang anumang uri ng karahasan, pananakot, o pang-aabuso ng kapangyarihan ay hindi dapat pinapayagan sa alinmang antas ng pamahalaan.
Nanawagan ang PCSDS sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at law enforcement na magsagawa ng mabilis, patas, at transparent na imbestigasyon upang matukoy ang buong katotohanan at mapanagot ang sinumang may sala. Binigyang-diin nila na ang tungkulin sa gobyerno ay hindi dapat gamiting plataporma ng personal na alitan o dahas.
Hinikayat din ng ahensya ang lahat ng lider at mamamayan na manatiling mapagbantay at tumindig para sa kapayapaan, pananagutan, at respeto sa batas.
Sa ngayon ay hinihintay pa ang opisyal na ulat mula sa pulisya kaugnay ng kaso, habang nananatiling tahimik ang kinauukulang opisyal na umano’y sangkot sa pananakit.














