Naging mabunga ang isinagawang Regional Data Dissemination Fora ng 2020 Annual Survey ng Philippine Business and Industry, kasunod ang 2021 Updating ng listahan ng mga establisyemento sa buong rehiyon MiMaRoPa.
Naging highlight ng isang araw na aktibidad ang pagkilala sa limang establisyemento sa rehiyong MiMaRoPa dahil sa ibinigay nilang mahalagang suporta upang maging matagumpay ang isinagawang establishment based surveys ng Philippine Statistics Authority o PSA.
Pinangunahan ang pagkakaloob ng plake ng pagkilala ni Philippine Statistics Authority (PSA)-Mimaropa Regional Director Leni R. Rioflorido sa mga establisyementong kinabibilangan ng Coral Bay Nickel Corporation (CBNC) ng Palawan, Romblon Electric Cooperative, Inc. ng Romblon, Maria Estrella General Hospital, Inc. ng Oriental Mindoro, Sablayan Water District ng Occidental Mindoro at DRB Marinduque Allied Appliance Center ng Marinduque.
Bukod dito, malugod ding ipinahayag ng pamunuan ng PSA National na bahagyang bumaba ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa, nitong Setyembre.
Ito ay batay na rin sa pinakahuling datos na nakalap ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho o negosyo na naghahanap at available magtrabaho nitong Setyembre 2022.
Nabatid mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 2.50 milyon ang unemployed persons noong Setyembre, bahagyang mas mababa kumpara nitong nakaraang Agosto 2022 na nasa 2.68 milyon at higit na mas mababa kumpara sa 4.28 milyon noong Setyembre 2021.
Sinabi ng PSA na ang bilang ng nasa labor force o mga indibidwal na employed o unemployed ay naitala sa 50.08 milyon nitong Setyembre 2022, pasok sa kabuuang populasyon na 15 taong gulang pataas. Ito ay mas mababa kung ikukumpara sa 50.55 milyon noong Agosto 2022 ngunit mas mataas naman sa 47.87 milyon noong Setyembre ng nakaraang taon.
Nitong Agosto 2022, 10,810 naman ang total households na nasurvey, samantalang nitong nakalipas na Setyembre 2022, 10,959 ang total households na nasurvey habang 10,930 noong Setyembre ng nakaraang taon.
Discussion about this post