Isang Returning Overseas Filipino (ROF) mula sa Narra ang matapang na naglahad ng kanyang saloobin kaugnay sa mga natatanggap na negatibong komento sa kanya sa pamamagitan ng Facebook live kahapon, June 4.
Ang ROF, na kinilalang si Feliza Rubio de Guzman ay dumating sa lalawigan lulan ng isang eroplano 1:00 AM noong May 28.
Sa kanyang video, sinabi ni de Guzman na siya umano ay kumpleto ng mga dokumento at papeles na nirequire ng pamahalaang panlalawigan sa mga kagaya niyang ROF bago pa man sila umuwi.
Iginiit din ni de Guzman sa video na siya at ang mga kasama ay sumailalim at nag negatibo sa rapid test at swab test na ginawa sa kanila at nasisiguro niya umano na wala siyang dalang anomang sakit.
Ikinuwento ni de Guzman ang kanyang pinagdaanan makauwi lamang sa tahanan nito sa Barangay Calategas ng munisipyo.
“Wala akong sakit na dala kasi sa Maynila pa lang grabi na pinag-daanan kong test. May dokumento ako dito na nagpaoatunau na nagtupad ako sa lahat ng pinagagawa samin,” ani ni de Guzman.
“Hindi ko po ipapahamak ang pamilya ko lalo na may anak ako di ako uuwi kung may nararamdaman ako. Hindi ako magsinungaling sa inyo dahil alam ko ang matinding dulot ng sakit na covid,” dagdag ni de Guzman.
Emosyonal din nitong nilahad ang mga nabasa niyang negatibong komento sa social media mula sa mga ka-barangay.
“Sinabi nila na mamatay na daw ako, masyadong masakit at mahirap tanggapin sa parte ko ‘yun,” ani ni de Guzman.
Sa mensaheng pinadala nito sa Palawan Daily ngayong araw, June 5, iginiit nito na hindi na umano kailangan pang ipost sa social media ang mga masasakit na salita laban sa mga kagaya niyang ROF sapagkat ito ay nagsasanhi lamang ng pagkabahala ng mga tao.
“Puwede naman ako ichat okay lang naman, pero bakit kailangan pa ipost sa social media? Sa ginawa niya nag-panic lang ang mga tao,” ani ni de Guzman.
“Alamin muna kasi ang totoong istorya bago post sa social media. Hindi nila iniisip kung ano kahinatnan, mga comments na masasakit tungkol sakin,” dagdag ni de Guzman.
Sa ngayon, ayon sakanya, ay naka-home quarantine siya sa sariling tahanan gayundin umano ang 10 pang mga kababayang mula sa Narra na kanyang nakasabay sa paguwi kamakailan.
Discussion about this post