Nakatakdang ipatawag ng Sangguniang Panlalawigan ang Philippine Coast Guard Palawan para ipaliwanag ang kalagayan ng mga bayan sa ng Palawan na pwedeng daanan papasok ng mga galing sa kalapit na bansa.
“Tayo ay naghihigpit na hindi makapasok ang COVID-19 sa atin, pero ang bayan ng Brooke’s Point, Bataraza [at] Sofronio (Española) ay maraming entry point yan galing sa Malaysia so nais ko rin po imungkahi na maimbitahan din po ng Coast Guard natin sa bayan ng Brooke’s Point, Sofronio (Española) at Bataraza na tingnan po natin kung ano din po ang kanilang paghahanda para proteksyunan at bantayan yung ating karagatan doon sa mga pumapasok mula po sa Malaysia, kasi ang balita ko po marami ang nagba-backdoor at alam natin ang entry point ay bayan ng Brooke’s Point, Bataraza at Sofronio (Española).” Ani 2nd District Board member Cesario Benedito Jr.
Dagdag pa nito na palaisipan pa rin sa kanila ang ginawa ng asawa ng konsehal ng Brooke’s Point sa pagpasok nito sa lalawigan ng Palawan mula sa bansang Malaysia.
“Sa ngayon ay iniisip namin [kung] paano nakalusot yung asawa ng konsehal na yun mula sa Malaysia? Ang sabi nag-backdoor, ibig sabihin po illegal po ang entry niya [mula sa] Malasia doon po sa bayan ng Brooke’s Point o bayan ng Bataraza kung saan po sya pumasok,” dagdag pahayag ni Benedito.
Ayon naman kay 3rd District Board Member Albert Rama, maraming katanungan ang dapat masagot ng Coast Guard at ng iba pang ahensya na nagbabantay sa mga baybayin. Lalo na ang usapin kung paano nakalusot ang asawa ng konsehal sa bayan ng Brooke’s Point.
“What happened in Brooke’s Point is an indication that there is a weakness in our backdoor security. During the time of pandemic we emphasized to strengthen yung backdoor security natin, because we believe na ito po ay puwedeng maging source ng transmission and true to that a concern ito na po ang nangyari because there is a lapse. So now, it’s just right that we invite itong Coast Guard and other enforcement agency involved sa backdoor security. Anong nangyari bakit may nakakalabas pa pala dyan [sa mga boundaries] na hindi man lang na-che-check o nasa-submit or quarantine itong mga tao na to?,”
Naniniwala naman si Board Member Sharon Abiog-Onda na nararapat lamang na gumawa ng paraan ang pamahalaan para mas paigtingin ang pagbabantay sa mga boundaries lalo na ngayon na may UK variant ng COVID-19 sa bansang Malaysia.
“Mayroon nang direktiba na magkaroon ng sariling panuntunan ang ating mga munisipyo sa pag-a-administer ng mga vaccine sa mga mamamayan ng bawat munisipyo, hindi pa rin po humihinto ang virus katunayan [ay] mayroon bagong strain ng virus at ang bansang Malaysia na pinakamalapit sa probinsya ng Palawan ay isa na po sa naapektuhan ng COVID-19 strain na ito. Kaya ang represintasyon na ito ay sumusuporta.”
Napagkasunduan naman ng konseho na sa halip na mga pinuno ng Coast Guard Stations sa mga munisipyo, ang mga kasapi ng COVID Shield Security Cluster ng Provincial Inter-Agency Task Force na lang ang kanilang iimbitahan sa pagpupulong ng Committee on Disaster at ng Committee on peace and order and security.
Samantala una nang sinagot ni Severino Destura , tagapagsalita ng Coast Guard District Palawan (CGDP) na hindi nila binababa ang heightened alert status sa pagbabantay partikular na sa bahaging sur ng lalawigan.
“Hindi po kami nagbababa ng alert status namin. Hanggang ngayon, naka-heightened alert pa rin kami regarding po diyan sa pagbabantay sa southern boarders po natin,” ani Destura.
Ngunit aminado ang opisyal na kulang na kulang ang bilang ng kanilang hanay kumpara sa lawak ng karagatan ng Palawan, at ito umano ang dahilan kaya patuloy pa ang kahilingan nila sa higher headquarters na madagdagan pa ang mga asset ng CGDP, hindi lamang para sa southern part ng lalawigan kundi para sa buong probinsiya.
“Kaya nga po, ganoon din po ‘yong sigasig ng District Commander natin na mag-request po ng karagdagang kawani and then mga speed boat and then additional po na barko na magpa-patrol sa Palawan,” ani Destura.
Discussion about this post