Nilinaw ng ni Vice Governor Victorino Dennis Socrates na resolusyon at hindi desisyon sa kaso ang nakatakdang ilabas ng Sangguniang Panlalawigan kaugnay sa naka-ambang na “preventive suspension” laban kay Mayor Gerandy Danao kaugnay sa mga kasong inihain ng Sangguniang Bayan ng Narra.
Ayon kay Socrates, wala pa silang inilalabas na resolusyon at hindi rin adaptation bagkus ay pagpapatibay lamang ng mga napagkasunduan sa nakaraang pagdinig ang ginawa sa sesyon ngayong araw, July 21.
Kabilang anya dito ang pagpapahayag ng magkabilang panig na walang aregluhang magaganap at tuloy ang pagsasampa ng kaso at ang paglista ng mga usaping paglalaban kung saan ibabase ng mga bukal ang kanilang magiging desisyon.
“Ang ilalabas natin ay resolution granting or denying the motion for preventive suspension at wala pang resolusyon ang Sanggunian kaugnay dyan. ‘Yung kanina is ini-note lang sa plenaryo ‘yung preliminary conference order na inilabas natin bungan ng preliminary conference na naganap nung July 14. ‘Yung laman nun is naglalaman lamang kung ano ang mga napagkasunduan naming,” ani Vice Governor Socrates.
Sinabi pa ng bise gobernador na wala naman silang itinakdang araw kung kailan mailalabas ang inaantabayanang resolusyon na isusumite naman kay Governor Jose Chaves Alvarez dahil kailangan anyang mapag-aralang mabuti ang usapin at maging maingat bago maglabas ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan..
“Sa ngayon ay kanya-kanya muna kaming pagmumuni-muni tungkol doon sa mga argumentong narinig at sa mga dokumentong nakita natin na naisumite ng mga partido sa kanilang pleadings. Wala namang napag-usapang target date at wala din naman akong sinasabing deadline dahil we can decide it if magkasundo ang mayorya ng Sanggunian ay saka lamang tayo makakapaglabas ng resolution,” dagdag ni Socrates.
Komunsulta narin anya ito sa iba pang abogado kung kinakailangan pang umaksyon sa plenaryo dahil lahat naman anya sila ay miyembro rin ng Committee of the Whole ng Sangguniang Panlalawigan.
Samantala, inamin din ni Socrates na kahit papaano ay may pressure sa Provincial Board dahil hindi anya madali magpababa sa pwesto o magsuspendi ng isang opisyal na pinili ng taong bayan at tiyak na may epekto ito sa buong bayan ng Narra.
Pero agad nitong nilinaw na hindi sila nahihirapan mag-desisyon sa usapin bagkus ay mas maganda anyang sabihin na nahihirapan sila sa pag-iisip, pag-aaral at pag-analyze sa isyu.
“Pressure in a sense na mabigat din ang consequence ng preventive suspension dahil magpapababa ka ng halal na mayor… alkalde ng bayan na binoto ng taong bayan. Nakakagulo ‘yun at pressure din dahil obligasyon ng Sangguniang Panlalawigan to rule, one way or the other according kung ano ‘yung lumabas doon sa kanilang pananaw sa argumento at mga dokumentong naisumite ng magkabilang panig,” pag-amin ng bise gobernador.
Discussion about this post