Aminado si Vice Governor Dennis Socrates na apektado ang “political career” ng mga nasa likod ng paghahain ng kaso kay Narra Mayor Gerandy Danao at maging mismo ang alkalde.
Ayon kay Socrates, kapwa may mga taga-suporta ang magkabilang panig kaya tiyak na may epekto ito sa bawat kampo at nasasangkot sa usapin.
Gayunpaman, ang Sangguniang Panlalawigan naman anya ay a-aksyon lamang base sa mga ebidensyang iprinesenta sa kanila na masusing pinag-aaralan ngayon para sa tamang paglalabas ng resolusyon.
Anuman anya ang maging kalalabasan ng isusumite nilang resolusyon kay Governor Jose Chaves Alvarez ay tiyak ring may hindi matutuwa mula sa dalawang kampo.
“S’yempre ‘yong magkabilang panig ay may supporters, mayroon tayong vice mayor at mga konsehal ng bayan na halos lahat sila ay hinihingi nila na pababain ang respondent mayor mula sa kanyang panunungkulan at may mga supporters din. Sa kabilang dako, ‘yong mayor na gusto nilang pababain ay may mga supporters din,” ani Vice Governor Socrates.
“Kung aling panig man ang mapaboran ng magiging resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan ay maaasahan natin na hindi matutuwa ang supporters ng panig na hindi napaboran. Gayunpaman, umaasa ako na mauunawaan din ng publiko na ang trabaho dito ng Sanggunian Panlalawigan ay hindi ito ‘yong normal na legislation o paggawa ng batas. Ito ay hindi karaniwang trabaho, in fact, masasabi nating pambihira at nagkataon lamang na ipinasa ng Local Government Code sa Sanggunian ang trabahong ito,” dagdag nito.
Sinabi pa ni Socrates na bilang hukom sa usapin ay hindi ito political na trabaho dahil iba ito sa normal nilang trabaho bilang “legislators” kung saan pangunahin nilang trabaho ang pagpapasa ng mga batas na siya anyang political in nature.
Ang nangyayari kasi anya ngayon kung saan nagsisilbing hukom ang Sangguniang Panlalawigan ay tinatawag na “quasi judicial function” na ang ibig sabihin ay judicial in nature kung saan kailangan nilang magpasya sa isang kaso base sa mga ebidensya tulad ng isang hukom sa korte na iba sa regular nilang trabaho bilang mambabatas ng probinsya.
“Mala-hukuman ang Sangguniang Panlalawigan sa trabahong ito na paminsan-minsan lamang mangyari. At bilang hukom, hindi tayo libreng magdesisyon ayon sa kursunada lamang. We are bound by the evidence and the law kaya wala tayong lugar na maglaro o mangursunada dahil ang ating magiging desisyon dapat sa kasong ito ay naaayon sa mga katotohanan na napatunayan ng mga ebidenysang inilahad sa pagdinig,” paliwanag ni Socrates.
Samantala, ang inaabangang resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan na isusumite sa gobernador kaugnay sa mosyon para sa “preventive suspension” laban kay Danao ay inaasahan ding mailabas ngayong linggo matapos ang pagpupulong na planong ipatawag ng bise gobernador.
Nilinaw din nito na ang “preventive suspension” sakaling matuloy ay hindi anya parusa bagkus ay pansamantala lamang pagpapababa sa pwesto upang hindi maka-apekto sa isinasagawang pagdinig sa kaso.
Discussion about this post