Nakiisa si Narra Mayor Gerandy Danao sa mga supporters nito ngayong araw, July 21 at nagpaabot ng pasasalamat sa mga taong sumusuporta sa laban niya kaugnay sa patong-patong na kasong kinahaharap ngunit hindi napigilang magpasaring sa mga kalaban nito sa politika.
Sa kanyang mensahe, hindi napigilan ni Danao na magpasaring kay former mayor Lucena Demaala tungkol sa isyu ng pag-bawi ni Palawan Governor Jose Chavez Alvarez sa lahat ng heavy equipment na nasa munisipyo noong nakaraang taon.
“Ang mga equipment natin ngayon puro sira. Pasensiya na muna kayo kasi wala tayong equipment na magamit dahil lahat ay binawi ni Gov,” ani Danao.
“Pero ang totoo po, sinabi ni Lucena na may iniwan daw siyang 15M na pang-bayad ng equipment, bakit hindi ko raw binabayaran. Eh bakit ako ang pabayarin niya, may pera pala diyan dapat binayaran niya na bakit ako ang pabayarin niya diyan eh sila namang dalawa ang magkausap,” dagdag ni Danao.
Binulgar ni Danao na kaya umano binawi ni Alvarez ang mga heavy equipment sa munisipyo ay dahil umano sa kadahilanang limang taon nang hindi binabayaran ito ni Demaala noong siya ay nakaluklok noon bilang alkalde ng bayan.
Giniit ni Danao na marapat lamang na si Demaala ang siyang nagbayad ng mga ito sa provincial government at hindi siya sapagkat sila naman daw ni Alvarez ang siyang nag-usap tungkol sa mga ito.
Ayon kay Danao ay dapat ay noon pa ito binayaran ni Demaala at tila hindi umano makatarungan na siya ang binabalikan ng mga “kalokohan” nito sa kasalukuyan.
“Limang taon na nilang ginagamit, hindi nila binabayaran. Ngayon pinapabayaran niya sakin, anong malay ko diyan? Kayong dalawa ang magkausap. Dapat binayaran niyo na ‘yan noon pa,” ani Danao.
“Kasi ako ang binabato nila ng binabato ng mga kalokohan nila,” dagdag ni Danao.
Nagpasaring rin si Danao sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narra ukol sa umano’y “pagharang” ng mga ito sa mga proposal na hinihiling ng kanyang opisina ukol sa pamimili ng mga kagamitang kinakailangan ng lokal na pamahalaan.
“Nag-propose ako sa SB na bumili ng bagong equipment. Isang set ‘yun, tatlong backhoe, dalawang malaki, isang maliit, dalawang grader, dalawang loader, isang mixer, basta kumpleto po. Ewan ko lang kung aprubahan nila. Bahala sila,” ani Danao.
“Marami kaming lumakad pero hanggang ngayon hindi pa rin nila aprubahan. Anong ibig sabihin? Nagpadala na ako ng representative para magsabi sa kanila madaliin nalang pero wala pa din, ganoon pa din. Eh inabot na tayo ng COVID, ‘yun ang masama,” dagdag ni Danao.
Sinabi rin nito na marapat na tanungin din ng mga miyembro ng SB sa kanilang mga sarili kung ano ang kanilang mga ginagawa. Ayon din sakanya ay tila minamaliit siya ng mga ito sapagkat siya umano ay aminadong isang bagito pa lamang sa larangan ng politika.
“Sana maging bukas ang isipan natin na itanong din natin sakanila kung ‘yung mga ginagawa nila ay tama o mali. Kasi parang ang lumalabas dito, palibhasa ako bago ako dito sa munisipyo parang gusto nila mangyari eh diyan ka lang. Diyan ka lang sa baba, huwag ka rito kasi marami kang malalaman, “ani Danao.
Sa kampo naman ni Demaala, sa panayam ng Palawan Daily News sa telepono, sinabi nito na siya ay magbibigay ng opisyal na statement sa susunod na araw at ebidensiyang makapag-papaliwanag sa mga dahilan ng pagbawi ng provincial government ng mga heavy equipment.
Discussion about this post