Nagpalabas na ng status quo order ang CENRO-Coron kamakailan para sa magkabilang panig ukol sa usapin sa watershed area ng Brgy. Guadalupe, Coron, Palawan.
Inilabas ang Status quo order na pirmado ni Community Environment and Natural Resources Officer (CENRO)-Coron Arnoldo Blaza noong Abril 14 bilang tugon sa reklamo ni Gng. Marisol Vinluan-Hipos ng Brgy. Guadalupe laban kay Bb. Paulene Pagtalunan, nagpakilalang kinatawan ng Skylodge Resort, Inc., kaugnay sa land conflicting claims sa Sitio Abangan sa nasabing barangay na parehong kini-claim ng pamilya Hipos at ni G. Arceo Baquid.
“Henceforth, Mrs. Marisol Vinulaun-Hipos and Ms. Paulene Pagtalunan are hereby ordered to refrain/stop from conducting development, developing the same, cultivating, or fencing the land subject of the protest to prevent prejudicial matters that may be detrimental to the ongoing investigation until a permanent decision/resolution has been reached. CENRO officers and barangay officials shall monitor the compliance of the order,” ang bahagi ng laman ng order.
Layon umano ng Status Quo Order na mapanatili at maipreserba ang anumang kasalukuyang kondisyon ng lupa na paksa ngayon ng protesta at para na rin umano maprotektahan ang magkabilang panig mula sa hindi kanais-nais at hindi makontrol na mga hakbang.
Ayon naman kay Palawan Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Eriberto Saños sa pamamagitan ng text message, iniulat umano sa kanya ni CENRO-Coron Blaza na nagkaroon na sila ng partial investigation noong Sabado, Abril 11 ukol sa reklamong kanilang natanggap mula sa pamunuan ng Brgy. Abangan at isang residente ukol sa ginagawa umanong konstruksyon ng mga tauhan ng nabanggit na pribadong kompanya malapit sa watershed area ng naturang barangay ng walang kaukulang papeles at sa panahon pa ng Enhance Community Quarantine (ECQ).
Ani Saños, naisama na umano ng CENRO-Coron sa kanilang daily accomplishment report ang usapin noong Lunes, Abril 13 na naging basehan nila sa inilabas na status quo order.
“Kinukompleto pa ang investigation, magkakaroon pa ng admin hearing,” ani Saños nang tanungin kung ano ang mga kasunod nilang hakbang ukol sa isyu at idinagdag na kapag may nakitang paglabag sa panig ng inirereklamo ay maaari silang sampahan ng kasong kriminal sa korte.
Sa hiwalay namang payanam kay Bb. Pagtalunan sa pamamagitan ng phone interview, mariin niyang itinanggi na ang ginagawa nilang konstruksyon ay para sa kanilang kompanya.
Nilinaw niyang bahay para sa 69 taong gulang na si G. Baguid, ang may-ari ng lupang nabili ng kompanya, ang kanilang ipinagawa kamakailan upang magkaroon na umano siya ng maayos na matitirhan. Sa ngayon umano, di maayos na bahay ang tinitirhan ni Baquid mula nang sinunog ng kanilang mga kaagaw sa lupain ang kanyang bahay noong 2017 o 2018 na tahasan niyang sinabi na mula sa pamilya ng mga Hipos.
Batid naman umano niyang ECQ ngayon, ngunit ang sa kanila lamang umano ay bigyan din ng konsiderasyon ang matandang nasa kahabag-habag na sitwasyon.
Tinawag pa niyang “exaggerated” ang naunang reklamo nina Kgd. Riseldo Gallardo at ng isang concerned citizen na nag-akusa sa kanyang binastos niya ang team ng barangay at DENR nang patigilin sa paggawa ng bahay noong nakaraang linggo dahil sa umiiral na ECQ.
Ani Pagtalunan, hindi niya binastos ang team kundi nakiusap lamang umano siya para sa matanda at ipinaliwanag na ang kanilang ginagawa ay pagtulong lamang ng kompanya.
Nilinaw din ng kinatawan ng kompanya na sa anim na ektaryang lupain ni Baguid na minana pa umano niya sa kanyang lolo noong 1945 ay hindi umano nila kasamang binili ang dalawang ektarya, kung saan narooon ang watershed area ng Brgy. Guadalupe. Taliwas naman ito sa naunang pahayag ni Kgd. Gallardo na base sa kanilang nalikom na mga dokumento, ang lupaing nabili ng Skylodge ay hindi sakop ng lupain ni G. Baquid kundi ng mga Hipos.
Ipinabatid naman ng kompanya na plano nilang gawing theme-park ang nabiling lupain sa nasabing barangay sa Munisipyo ng Coron.
Samantala, nakatakda umanong muling mag-usap ang barangay at ang magkabilang panig sa araw ng Lunes sa susunod na linggo.
Discussion about this post