HINILING ng Palawan Electric Cooperative (Paleco) sa mga miyembro ng Provincial Board, nang imbitahan sa Question & Answer Hour noong ika-5 ng Nobyembre, na maghain ng isang resolusyon na susuporta sa pagsusumite nila ng certificate of exemption (COE) sa Department of Energy (DOE) para sa isang taong operasyon ng 10 MW power plant bilang paghahanda sa nakaabang na kakulangan ng suplay ng kuryente sa mga susunod na taon.
Ipinaliwanag ni Engr. Ferdinand Pontillas, corporate planning manager ng Paleco, na may nakatakda sanang 25 MW na papasok sa susunod na taon bilang kapalit sa lumang kontrata ng Delta P na natapos na noon pang nakaraang Abril ngunit hindi pa ito mangyayari dahil sa hindi pa inaaprubahan ng DOE ang terms of reference na kanilang isinumite kaya wala pang magaganap na Competitive Selection Process (CSP).
Bunsod nito, ang naging solusyon na lamang umano ng Kooperatiba ay i-extend ang old contract ng Delta P ng isa pang taon, mula Abril 2019 hanggang Marso 2020 kaya sa ngayon ay balik uli sa 70.2 MW ang Total Dependable Capacity ng Paleco na mula sa old at new Delta P, DMCI at PPGI. Umaabot naman umano sa 56.7 MW ang peak load base sa talaan noong Hunyo kaya may reserved capacity pang 30.5 MW.
Sa bidding umano, aabot sa anim na buwan bago maia-award ang proyekto sa nagwaging proponente at isang taon naman ang gugugulin sa konstruksyon ng planta. Sa nabanggit, malinaw aniyang wala pa ring bagong IPP sa Abril 2020 na papalit sa pinalawig na old contract ng Delta P.
Nang dahil dito ay hiningi na nila maging ang interbensyon ng Sangguniang Panlalawigan, bilang isa sa mga hinihinging requirement ng DOE para makakuha ng Certificate of Exemption upang direktang makapagnegosasyon sa isang IPP na magbibigay ng 10 MW mula Abril 2020 hanggang Marso 2021. Malugod naman itong pinaunlakan ni Board Member Ryan Maminta, na siyang humiling na imbitahan ang Paleco sa araw na iyon, at humingi lamang ng formal request mula sa kanila.
Paggawa ng Energy Plan ng bawat munisipyo
Kaugnay naman sa palagiang pagkawala ng daloy ng kuryente madalas sa Palawan grid o mula Bayan ng Roxas hanggang Brooke’s Point, iminungkahi ni BM Maminta sa pamunuan ng Palawan Electric Cooperative na hilingin sa mga LGU pababa sa mga barangay na magsumite ng kani-kanilang Energy Master Plan kada taon upang magkaroon ng harmony sa kailangang laki ng load ng probinsiya sa kakayanan ng electric cooperative.
“Kasi importante ‘yun eh! Isip ka nang isip ng development, tayo ka ng ganito, encourage ka ng mga investors pero wala ka namang sapat na enerhiya para mapatakbo ‘yung mga investments na ‘yan….Tapos nagrere-request [pa] tayo ng electrifications ng mga sitios, [at] maaprubahan, [ngunit] hindi naman maisasama sa maifo-forecast ng Paleco [dahil hindi niya iyon alam]. So, dapat sana, ma-encourage natin [ang mga lokal na pamahalaan],” punto ni Maminta.
Positibo naman ang naging tugon ni Acting Paleco General Manager Nelson Lalas na aniya’y kanya rin iyong irerekomenda.
“Mas magiging reliable po kung mangagaling ang data from the LGU’s. Actually right now, nabibigla rin po kami…sa mga applicants—sa mga big loads consumers sa bawat munisipyo, napakarami po. And the LGU’s and this [August] Body can require the different LGU’s or the different municipalities to submit or give us an update; much better for us to consider for our forecast,” ayon kay AGM Lalas.
Dagdag pa ni BM Maminta, mahalagang masabayan ng Paleco ang energy requirement ng bawat munisipyo ngunit minsan ay hindi rin naman umano naisip ng mga LGU’s na kailangan din nilang ipaalam sa Kooperatiba ang kanilang mga pangangailangan.
“Kasi doon makikita ni Paleco ang tama niyang forecasting para magawa niya ang kanyang responsibilidad sa buong lalawigan ng Palawan,” aniya.
Ayon naman kay Engr. Pontillas, sa nakaraang workshop ng “DREAMS” na kolaborasyon ng UNDP, Provincial Government, DOE at Paleco noong nakaraang linggo, napag-usapan umano nilang i-update na ang Palawan Island Power Development Project (PIPDP).
Ang problema lamang umano ay hindi buo ang hawak na datus ng Paleco kaya palagiang may mismatch sa assumption o gustong mangyari ng LGU. Kaya, ipapasok sa DREAMS ang input ng LGU na kung saan, gagawa ng sarili nilang Energy Plan ang mga municipal planning officer, iko-consolidate ng Paleco at isasama sa “time trending” tungo sa mas tama umanong power forecast sa buong lalawigan.
“Kaya po we are requesting LGU’s to have their own energy plan based on the upcoming projects (hotels, etc.) kasi sa kanila lang visible ‘yun ang mga ‘yon at hindi sa Paleco. Ang gusto nating mangyari ay makagawa ng tamang forecast by combining the time trending of Paleco at Energy Plan from LGU’s,” ayon pa kay Pontillas.
Komento naman ni Paleco Chairman of the Board Jeffrey Tan-Endriga, mayroon nang nabuong JEDAG noong 2014 sa panahon ni dating Energy Sec. Jericho Petilla na kailangan lamang rebyuhin ngunit nakalulungkot lamang umanong hindi ito alam ni incumbent Energy Sec. Alfonso Cusi.
“But unfortunately, [even] Paleco have done its part—to comply all the needed data and request but until now, matatapos na ang taon ay medyo naantala sa Department of Energy (ang ilang proyekto at plano),” ani Tan-Endriga.
Rason ng pag-imbita sa PALECO
Sa talakayan naman ay nilinaw ni Maminta na inimbitahan sa Oras ng Pagtatanong ang Paleco hindi upang sisihin kundi mag-usap sa kung paano magkaroon ng pagtutulungan.
Aniya, nalulungkot lamang umano siya na sa social media ay binabanatan ng taumbayan ang pamunuan ng Kooperatiba ngunit “ang mga banat na ‘yun ay walang kaakibat na mga suhestyon o rekomendasyon kung paano gawin ni Paleco ang kanilang tungkulin.”
Dagdag pa ng bokal, minsan ay nakalilimutan ng ilang mamamayan na may contracted entities at may partnership ang Paleco gaya ng National Power Corp. (Napocor) at iba pang IPP’s ngunit ang usapin sa generation at transmission ay isinisis pa rin nila sa Kooperatiba gayung sa panig lamang sila ng distribusyon.
Iyon umano ang nag-udyok sa kanya upang imbitahan ang pamunuan ng nasabing electric cooperative upang mabigyan ng tamang impormasyon at direksyon ang Provincial Board nang mabuo ang partnership at maresolba ang problema at sa hinaharap ay hindi na mararanasan pa ang kinakaharap ngayong mga hamon.
“This representation will not dwell…to further blame Paleco regarding our problems in the Province of Palawan. The invitation will center on discussion and presentation of Paleco and their action plan…in the future and to generate ‘enhanced cooperation’ hindi lamang po sa Paleco at sa mga partners nila kundi sa mga local government units in the Province of Palawan. More so sa mga kababayan po natin kasi ang mga gawaing ito ay hindi lamang po ang Paleco ang dapat na gumawa—bawat mamamayan po, bawat LGU ay may responsibiidad [din] kaugnay dito,” ang naunang pahayag ni Maminta.
Pagbibigay-diin niya, kung nagawang tumulong ng ibang electric cooperatives mula sa iba’t ibang lalawigan sa bansa sa pamamagitan ng Task Force Kapatid, dapat iyong maging inspirasyon higit ng mga Palawenyo upang sila rin ay tumulong sa kaya nilang kapamaraanan.
Discussion about this post