Kabilang sa mga plano ng bagong upong officer in charge (OIC) ng Provincial DepEd ay ang pag-institutionalize ng team ng Field Technical Assistance Division (FTAD).
“Sobrang laki kasi ng DepEd-Palawan, kulang kasi ‘yong tao kaya bumuo kami ng magandang sistema. Mag-i-institutionalize kami ng isang team na magmo-monitor po ng every district,” ayon kay DepEd-Palawan OIC Schools Division Superintendent (SDS) at OIC ASDS Arnie Ventura sa isang phone interview.
Dagdag pa ng OIC ng Provincial Division Office, bagamat may mga tao ng sadyang naka-assign para sa FTAD ngunit nais ng Dibisyon na mas palakasin pa sila sa pamamagitan ng pag-mentor at pag-educate sa kanila upang mas lalo pa nilang mapaganda ang pagbibigay nila ng assistance sa mga eskwelahan.
“Nagbibigay sila (team) ng assistance, technical assistance [sa mga distrito] kung paano mai-improve ang performance, kung paano mapagaganda ang pag-i-implement ng [mga programa ng] DepEd sa field—ime-mentor po nila, iko-coach nila, imo-monitor nila,” ani Ventura nang tanungin kung ano ang function ng FTAD team.
Sa website naman ng DepEd, nakasaad na ang Technical Assistance ay isang porma ng pagbibigay ng professional help, gabay, at suporta upang ang mga distrito ay maging epektibo sa kanilang trabaho at tungkulin. “It is an active process with steps to follow; makes use of tools, via process consultation, requires specific skills and focuses on achieving set goals.”
Maliban pa rito, bibigyang-diin din umano ngayon ng bagong liderato ang pagpapatupad ng rewards and recognitions, at ang pagpapalakas ng School-based Management Program.
Tiniyak din ni Ventura na kahit naganap ang kontrobersiya sa Provincial DepEd ay hindi naman ito nakaapekto sa normal na operasyon ng kanilang tanggapan at sa ngayon ay “Bumabalik na ang ganda ng operation ng Schools Division ng Palawan.”
“So far, okay naman po….Close-monitoring din po kasi ako sa aming mga kasamahan sa Division Office,” aniya.
“Hindi po ako Palawenyo, pero mas hihigitan ko ang paglilingkod ko. Aariin ko po na ako’y tunay na Palawenyo; ibibigay ko ang buhay ko at puso ko sa paglilingkod ko rito sa Palawan,” wika pa ng OIC ng Provincial DepEd.
Aniya, natanggap niya ang kautusan sa hahawakang posisyon noong January 7 matapos na ipinatawag ng Regional Director ng DepEd-MIMAROPA at dumating naman siya sa Lungsod ng Puerto Princesa noong Enero 8, kasabay ang pangakong maglilingkod siya ng tapat sa mga Palawenyo.
“Sa akin pong bagong pamilya sa DepEd-Palawan, asahan n’yo po ang buong puso kong paglilingkod dito po sa atin pong lalawigan. Asahan n’yo po ang buong kahusayan, katinuan, kabutihan at kaayusan na ipagkakaloob ko po na paglilingkod dito po sa atin pong lalawigan. Ipakikita po namin ang kagitingan sa paglilingkod sa larangan po ng education kaya kailangan ko po ang suporta ninyo sa lahat ng mga programa ng Department of Education dito po sa Lalawigan ng Palawan,” ang mensahe niya sa mga Palawenyo.
Discussion about this post