Mariing itinanggi ng Alkalde ng Culion na tatanggalan niya ng scholarship ang mga kabataan na sasali sa planong rally na pangungunahan umano ng parish priest ng Culion na si Fr. Roderick Caabay kontra sa paghahati ng Palawan sa tatlong (3) probinsya.
“Ay hindi po yan totoo na tatanggalan ko ng scholarship. Sila Fr. Caabay, bumuo po siya ng grupo ng mga kabataan kasi may gagawin silang rally, parang parade po. May mga route sila, program kung saan-saan tapos doon nila dadalhin yung mga kabataan eh naka-MGCQ po kami bawal na bawal po yung mga ganun.”, bahagi ng pahayag ni Mayor Virginia De Vera ng Culion.
Sa Facebook post ni Fr Caabay, inanunsyo umano ni Mayor De Vera noong January 21 sa isang Barangay na ang mga kabataang sumasali sa gawain ng simbahan ay tatanggalin ng scholarship. Tanong ni Father Caabay sa kanyang post,
“PERA PO BA NINYO ANG GINAGASTOS SA SCHOLARSHIP? Pangalawa, bakit nyo pinipigilan ang mga kabataang lumago at lumapit sa Diyos at pagsila’y nagsimba at nagtipon, ipapahuli nyo sila at ipakukulong? Masama ba ang manampalataya at makilala ang Diyos? Ikatlo, ito ba ay isa na namang PANANAKOT sa mga pobreng magulang na kaya nyong sirain ang kinabukasan ng bata sa pagtanggal sa kanya sa Gov’t Scholarship Program?”
Inilabas din ni Fr. Caabay sa kanyang post sa Facebook ang recording ng pagbabanta ni Mayor De Vera. Sa recording maririnig ang boses umano ng Alkalde ng Culion na nagsasabing,
“Lahat ng kabataan na sasali diyan, alis sa scholar ah. Tinuturuan niya maging aktibista ang mga bata eh, may mga placards pa raw, ang kapal ng mukha!”
Sa kabila naman ng pagtanggi ng alkalde ng Culion na tatanggalan niya ng scholarship ang mga kabataan. Aminado itong nasabi niya ito.
“Walang alam ang LGU sa mga gagawin niyang activities, e sabi ko yung mga bata hindi ko naman pinapakialaman kung sa simbahan lang, pero kung yung mga bata ay gagamitin niya lang sa kalokohan, parang gagawin niyang aktibista para labanan ang gobyerno, hindi po magandang tignan, halos lahat po ng kabataan dito ay scholars ng LGU, kaya po nakapagsalita ako na aalisin ko po sa scholar, pero sa akin lang ‘yun.”
At kung sakali umanong matuloy ang parada kasama ang mga kabataan ay malinaw na paglabag ito sa health protocols.
“Kapag natuloy yang parade nila ng walang permit ‘yan at tayo ay nasa MGCQ, ipapahuli ko talaga sila…Lumalabas sa invitation na gagawin nila sa January 30, parang 2 days po sila e…”, babala pa ng alkalde.
Ipinaliwanag naman ni Fr. Caabay sa kanyang FB post ang nakatakdang aktibidad sa January 30 at 31,
“PARA PO SA KAALAMAN NG LAHAT, ANG GAGAWIN PO NG PAROKYA SA JANUARY 30 & 31 AY ISANG YOUTH MASS & YOUTH MINISTRY PROGRAM LAUNCHING. HINDI PO RALLY. Ito po ay naglalayon na tugunan ang pangangailangan ng mga kabataan na lumago sa pananampalataya at tugunan lalo na ang isyu ng Depression at minsan ay nauwi sa pagkitil ng sariling buhay ng mga kabataan. Ang mga placards po ay painting ng mga SANTO na naging modelo ng mga Kabataan. Baka pwede pong magtanong sa akin si Mayora at Mr. Raymundo.”, bahagi ng post ni Fr. Caabay.
Audio ni Culion Mayor Ma. Virginia N. de Vera
credits to: Roderick Yap Caabay
Discussion about this post