Hanggang July 5 na lamang magsasagawa ng search and rescue operations ang Philippine Coast Guard sa karagatang sakop ng Mamburao, Occidental Mindoro para sana makita at mailigtas ang mga mangingisdang lulan ng lumubog na MV Liberty 5.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armando Balilo, sapat na ang isang linggong paghahanap sa pag-asang may maisasalba pang buhay ng 14 mga mangingisda nabangga ng barkong Chinese.
Matapos aniya ng search and rescue operations ay magpapatuloy pa rin ang operasyon sa pamamagitan ng search and retrieval operations.
“Ongoing parin po ang search and rescue operations at kasama nga namin ang Philippine Air Force, PNP, LGU at pati ang Philippine Navy pero wala pa kaming nakikita. Rescue parin tayo dahil wala pang declaration ang ground commander pero simula sa Lunes [July 6] ay magsi-shift na kami siguro sa search and retrieval operations,” ani Balilo.
Gayunpaman, tiniyak ni Balilo sa pamilya ng mga nawawalang mangingisda na hindi sila titigil hangga’t hindi natatagpuan ang mga ito.
“Gagawin po natin ang lahat ng ating magagawa at sisikapin po natin na makita talaga sila at hopefully, mayroon po tayong magandang balita na maibigay doon sa kanilang mga pamilya sa mga susunod na araw,” dagdag ng tagapagsalita ng PCG.
Samantala, ang cargo vessel na nakabanggan ng MV Liberty 5 at mga tripolante nito ay nasa kustodiya pa rin ng PCG Batangas Station para sa isinasagawang imbestigasyon.
“Ongoing pa rin po ang investigation pero doon sa preliminary findings ay hindi naman nila dini-deny na may nabangga sila. At dahil doon, lahat sila kapag napatunayan na may negligence… sa jurisdiction naman po natin ay pwede tayong mag-file ng kaso at ma-prosecute ‘yong mga tripolante ng barko,”.
Sa hiwalay na panayam kay Mario Mulingbayan, ang PDRRMO Head ng Occidental Mindoro, sinabi nitong hinahanap din nila ngayon ang mga unang nakakita sa mga lumutang na bahagi ng lumubog na fishing vessel sa pag-asang makatutulong ito sa nasabing operasyon.
“Hinahanap nga po namin ‘yong mga mangingisda na nasa laot noong mga oras nung mangyari ang aksidente at posibleng nakakita para maituro sa atin. Tuluyan na po kasing lumubog ‘yong barko at ‘yong lugar ay may kalaliman dahil ito ‘yong daanan talaga ng mga barko. Kailangan din nga natin talaga ng iba pang professional divers para mapadali ‘yong paghahanap natin,” ani Mulingbayan.
Samantala, nagkausap na rin ang mga namununo sa IRMA Fishing and Trading Corporation at ang mga pamilya ng pinaghahanap na mga mangingisda kung saan tiniyak naman sa mga ito ang tulong na ibibigay ng kumpanya.
Discussion about this post