Agosto nitong taon nakatakdang ipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) -MIMAROPA ang nakabinbing Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) cash grant noong 2019.
“According sa aming pantawid officer, natagalan ang grants dahil sa ginagawang matching ng names ng beneficiaries between sa system ng Pantawid at sa cash card. Endorsed na raw po ito sa Central office at by August-September daw po ay papasok [na ang kanilang mga benepisyo],” ayon sa tagapagsalita ng DSWD Regional Office na si Chatty Decena sa pamamagitan ng text message.
Sa usapin ng naantalang payout ng 4Ps, kabilang sa mga nagpaabot ng pagkadismaya ang ilang mamamayan sa Bayan ng Roxas. Ilan sa kanila, umabot ng mahigit isang taon nang naghihintay sa nasabing payout, karamihan sa mga ito, apektado ng krisis.
Dagdag naman ng spokesperson ng DSWD-MIMAROPA, sa ibinahaging impormasyon sa kanya ng kanilang grievance officer, makatatanggap na ng grants ang mga benepsiyaryo buhat sa 4Ps basta’t mayroon silang cash card. Naaantala lang umano ang pamamamahagi kapag wala pa silang cash card kung saan doon direktang ibibigay ng gobyerno ang perang tulong sa kanila kada buwan.
“Basta lahat ng po ng naka-claim na ng EMV cash card [ay tiyak na makatatanggap na sila]. Ang matatanggap po ng majority sa kanila ay July 2019 onwards; ‘yong iba naman ay August 2019 onwards. Ang last kasi nilang payout thru offsite ay July 2019 for the month of April and May 2019. Gano’n din po sa ibang munisipyo po,” ani Decena.
Discussion about this post