Coron, Palawan — Sisimulan agad ang pagsasagawa ng Busuanga Airport Development Project matapos ang groundbreaking nito kamakailan na pinangunahan nina Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Capt. Jim C. Sydiongco, Palawan Gov. Jose Ch. Alvarez, Kinatawan ng Unang Distrito ng Palawan Franz Josef George Alvarez at mga opisyales ng Bayan ng Coron at Busuanga.
P953.4 Milyon ang inisyal na pondong inilabas ng Department of Transportation (DOTr) na gagamitin para sa konstruksiyon ng runway embankment at re-orientation nito kasama na ang initial earthwork, site development, perimeter fence, at consultancy services para sa detailed engineering designs na kakailanganin para sa gagawing masterplan.
Ayon kay CAAP Dir. Gen. Capt. Sydiongco dahil sa ‘geological obstacle’ tulad ng pagkakaharap sa kabundukan ng kasalukuyang airport runway kung kaya’t kinakailangan ang re-orientation nito.
Dagdag pa ni Capt. Sydiongco, sa pamamagitan ng airport development project na ito ay matutugunan ang lumalaking pangangailangan ng paliparan na nagseserbisyo para Calamianes Group of Islands at kapag natapos ang proyektong ito aniya ay makakalapag na dito ang mas malalaking eroplano na magdadala ng dumaraming bilang ng mga bisita.
Sa tala ng CAAP, tumaas ng 63.26% ang mga pasahero ng mga eroplanong lumalapag sa Busuanga Airport sa taong 2017. Nakapagtala ito ng 525,044 pasahero kumpara noong 2016 na 321,595 pasahero lamang.
Ang bagong runway ay may habang tatlong kilometro kasama na ang runway extention nito. Nakapaloob ito sa tinatayang 300 ektaryang lupain sa Coron, Palawan.
Kilala ang Busuanga Airport bilang Francisco B. Reyes Airport isang principal class 2 airport.
Ang airport development project ay gagawin sa loob ng tatlong taon at tinatayang aabot sa P5 bilyon ang magugugol dito ayon kay Gov. Alvarez.
Ang local contractor na BCT Construction ang gagawa ng nasabing proyekto. (OCJ/PIA-Mimaropa, Palawan)
Discussion about this post