LUNGSOD QUEZON — Labis-labis ang pagsasalamat ng Department of Education – Mimaropa sa pamunuan ng Sablayan, Occidental Mindoro sa pagtanggap ng hamon ng 2019 Mimaropa Regional Athletic Association (MRAA).
Ngayong Linggo, ika-17 ng Pebrero, gaganapin ang Opening ng paligsahang palakasan sa Sablayan Sports Complex.
“Isang makabuluhan at napakagandang pagkakataon ang suportang ipinakita ng bayan ng Sablayan para sa mga manlalaro ng Mimaropa…maraming-maraming salamat po sa Bayan ng Sablayan,” ayon kay Esmeraldo Galang Lalo, ang DepEd Regional Sports Coordinator,“ sa mga sunod-sunod na meeting at sa nakikitang kalagayan ng sports complex, handang-handa na ang Sablayan.”
Ang 2019 MRAA ay tatakbo mula ngayong Linggo hanggang sa ika-21 ng Pebrero.
Sinabi ni Lalo na magkakaroon muna ng parada ng mga atleta, susundan ito ng mga cultural presentation bago simula ang pagbubukas ng MRAA.
May dalawammput-isang sports events na katulad sa Palarong Pambansa ang sasalihan ng mga atleta.
“Tampok ang Atletics, Archery, Badminton, Basketball, Baseball, Volleyball Softball Chess…mayroon tayong Swimming…ilan sa mga bago ay ang Billiards, Wu Shu…na halos lahat ng mga delegado ay makikilahok,”sabi ni Lalo.
Inaanyahan ni Lalo ang mga kababayan sa mga karatig munisipalidad ng Occidental Mindoro na panoorin ang mga aksyon sa 2019 MRAA.
“Ang MRAA 2019 ay katuparan ng pangarap ng mga Sablayeno na maipakita ang kanilang suporta, husay at galing sa larangan ng isports,” ani Lalo.
Una rito, binigyan ng mga masayang welcoming rites ang bawat delegasyon ng mga kalahok.
Maaga mang dumating sa Sablayan, naging abala nitong nakaraang linggo ang mga atleta sa sa ensayo at iba’t ibang aktibidad sa Sablayan gaya ng paglilinis ng delegasyon ng Palawan sa dalampasigan ng Barangay Poblacion at ang pagsasagawa ng Brigada Eskwela ng mga delegado ng Oriental Mindoro sa Buenavista Elementary School.
Kanina, dumalo ang mga technical official at coach sa maghapong Solidarity Meeting kung saan tinalakay ang mga patakaran at mga gagawin sa 2019 MRAA. (LP/PIA-Mimaropa)
Discussion about this post