Nananawagan ngayon ang dalawang Palawenyo sa mga mamamayan ng Palawan na magbahagi ng tulong sa mga biktima ng pagputok ng Taal Volcano.
Sa Facebook post ni G. Renato Tenorio Jr. a.k.a. Papa Renz ng Radyo Tandikan-El Nido at isa ring negosyante sa nasabing bayan, humihingi sila ng suporta mula sa mga may mabubuting-puso upang makatulong sa mga nangangailangan sanhi ng kalamidad. Nabuo ni Tenorio ang naturang hakbangin, kasama ang co-DJ na si Mark Bastunayan a.k.a DJX.
Aniya, tumatanggap sila ngayon ng kahit anumang donasyon–pagkain, damit o cash at iba pa.
Ani Tenorio, sa mga nagnanais tumulong ay ihatid lamang o i-address sa kanilang radio station sa El Nido o sa kanyang restawran sa Silog Republic Restaurant sa Brgy. Maligaya, El Nido.
Ang first batch umano ng shipment ay ihahatid sa araw ng Sabado, Enero 18 na ng kanyang kasamahan at susunod naman siya sa araw ng Lunes. Ibibigay umano nila ang mga iyon sa mga evacuation center sa mga munisipyo ng Tanauan at Talisay, Batangas.
Magpapatuloy umano ito hanggang kailangan sa mga evacuation center.
Ikinatuwa naman niyang agad umanong bumuhos ang tulong mula sa mga mamamayan.
Sa kasalukuyan, nakaipon na umano sila ng mga mineral water, canned goods, noodles, mga damit at cash.
“[Masaya kaming] may maitutulong sa [mga biktima] ng calamity lalo na sa mga nangangailangan … [dahil] panahon ito ng pagdadamayan,” ani Tenorio.
Discussion about this post