Binalaan ni Provincial Director PS Supt Joseph Bayan ang mga kapulisan sa lalawigan na huwag gagawa o sasama sa anumang ilegal na gawain.
Sinabi ito ng direktor sa pagdiriwang ng ika-25 PNP Ethics Day, na ginanap sa Camp Winston Ebersole kamakailan.
Ayon sa Provincial Director, inaasahan sa mga kapulisan ang mataas na uri ng serbisyo sa bayan.
“Dapat silang maging huwaran. Hindi dapat ma-involve sa pangungotong, sugal at iba pang illegal activities,” saad pa ng direktor.
Naniniwala naman si PSI Juan Aguacito, deputy chief ng Police Community Relations (PCR) na ang taunang pagdiriwang ay paalaala sa kagandahang asal na dapat taglay ng kapulisan.
“Ang isang pulis ay dapat maka-Diyos, maka-tao, maka-kalikasan at maka-bayan,” paliwanag ni Aguacito. Dapat aniyang marunong rumespeto ang isang opisyal sa karapatan ng mamamayan upang siya ay pagtiwalaan.
Ang ika-25 PNP Ethics Day ay may temang Tapat na Paglilingkod, Susi sa Pinaigting na Kampanya Laban sa Kurapsyon. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)
Discussion about this post