PUERTO PRINCESA CITY — Dalawang Palawenyong may kapansanan ang nakapag-uwi ng kampeonato sa ilang patimpalak kaugnay sa paggunita ng 40th National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week sa rehiyon ng Mimaropa na isinagawa sa Lungsod ng Mamburao, Occidental Mindoro.
Tinanghal na kampeon sa pag-awit si Renie Entatano mula sa munisipyo ng Bataraza na may kapansanan sa paningin at si Mark Jefferson Gabileo naman na may kapansanan sa kamay mula sa munisipyo ng Aborlan ang nag-kampeon sa photography contest.
Kinilala rin ang bayan ng Rizal, Palawan bilang “Person with Disability Friendly Municipality Regional Winner” sa buong rehiyon ng Mimaropa para sa kauna-unahang Regional Search for Person with Disability Friendly Local Government Unit (LGU). Ang paggawad ng naturang parangal ay dahil sa magandang pagtataguyod ng kasalukuyang administrasyon ng nasabing bayan ng mga programa para sa mga may kapansanan.
Binigyang naman ng parangal ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan dahil sa patuloy na pagpapatupad nito ng mga adhikaing nagtataguyod sa kapakanan ng mga Palaweñong may kapansanan o persons with disabilities (PWD). Ang sertipiko ng pagkilala ay tinanggap ni Gng. Bundal bilang kinatawan ng PSWDO.
Ang National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week ay taunang ginugunita sa buong bansa sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may temang “Talino at Paninindigan ng Taong May Kapansanan: Pasaporte sa Kaunlaran,” na nakatuon sa pagtataguyod ng mga talento at kakayahan ng mga PWD bilang kaagapay sa tagumpay ng bayan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Discussion about this post