Sa ikatlong pagkakataon ay muling bibisita si Pangulong Rodrigo R. Duterte sa Palawan.
Ngayong araw nakatakdang dumating ang Pangulo sa lungsod ng Puerto Princesa para daluhan ang dalawang aktibidad.
Una, magsasalita ang Pangulo sa 31st Annual Convention ng Prosecutors’ League of The Philippines sa Asturias Hotel na tinatayang nasa mahigit 1,000 prosecutors ang dumadalo rito mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa programang ito pangungunahan ni Sec. Menardo I. Guevarra ng Department of Justice (DOJ) ang pagsalubong sa Pangulo at si Sec. Guevarra na rin ang magpapakilala sa Pangulo bago ito magtalumpati.
Pagkatapos nito, ay agad na tutungo ang Pangulo sa Puerto Princesa City Coliseum para naman sa ‘campaign rally’ ng PDP Laban kung saan ipapakilala dito ang mga kandidato ng PDP Laban sa pagka-senador.
Sina Gov. Jose Ch. Alvarez at Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron ang inaasahang sasalubong sa Pangulo.
Ipapakilala naman ni Sen. Aquilino Martin L. Pimentel III ang Pangulo bago ang kanyang talumpati sa harap ng inaasahang 8,000 katao.
Sa media briefing kahapon na isinagawa sa tanggapan ng PIA-Palawan, ipinaliwanag nina MARO Ruby Jane Villaverde at Bryan Ocampo ang mga panuntunan para sa ‘media coverage’ sa pagbisita ng Pangulo.
Inaasahan din ang posibilidad na magkaroon ng ‘media interaction’ ang Pangulo pagkatapos ng kanyang mga talumpati.
Ito na ang ikatlong pagbisita ni Duterte sa Palawan mula ng ito ay maging Pangulong ng bansa. Una ay ang pagbisita nito sa Western Command (WESCOM) noong Abril 6, 2017; ikalawa ay ang pagiging panauhing pandangal nito sa Subaraw Festival noong Nobyembre 10, 2018. (OCJ/PIA-Mimaropa, Palawan)
Discussion about this post