Ipinalabas na ng Commission on Elections (Comelec) ang petsa para sa plebIsito kaugnay sa paghahati ng lalawigan ng Palawan sa tatlong probinsiya.
Sa apat na pahinang dokumento na pirmado ni Comelec Chairman Sheriff Abas at ng anim pang commissioner na ibinaba noong Nobyembre 12, nakasaad na gaganapin na sa Mayo 11, 2020 ang botohan kung pabor ba o hindi ang mga Palawenyo na magkaroon ng iba pang mga probinsiya.
Sa Calendar of Activities na nakapaloob sa Comelec Resolution No. 10620, batay sa RA 11259 na matatandaang naaprubahan noong Abril 5 ngayong taon, isasagawa sa Abril 11, 2020 ang pagpapaskil ng computerized Voters List. Sa nasabing petsa rin ang huling araw ng pagsusumite ng head ng reaction/strike forces sa Komisyon ng listahan ng kani-kanilang mga miyembro, ng pagbuo ng mga miyembro ng Plebiscite Committee, DepEd Supervisor Officials (DESO’s) at Support Staff at ang huling araw din ng pagbuo ng mga miyembro ng Municipal Board of Canvassers at ang kanilang Support Staff.
Kasabay din ng nasabing aktibidad ay ang inspeksyon sa mga lugar na pagdadausan ng halalan na magtatagal hanggang Abril 20, 2020. Nakatakda naman ang Information and Campaign Period sa pamamagitan ng barangay assembly o mga pagpupulong sa nabanggit pa ring araw, Abril 11, 2020 hanggang Mayo 9, 2020.
Magiging epektibo rin sa Abril 11, 2020 hanggang Mayo, 9, 2020 ang pagbabawal sa pagtanggal, pagsira, pag-tamper o pagpigil sa pamamahagi ng plebiscite propaganda.
Magiging bawal na rin simula Abril 11, 2020 hanggang Mayo, 10, 2020 ang paghirang ng bagong empleyado, paglikha ng bagong posisyon sa trabaho, pag-upo sa isang posiyon, pagbibigay ng omento sa sahod, remuneration o mga pribilehiyo.
Gayundin ang paglikha ng mga proyektong pangkalsada, delivery ng mga materyales para rito at ang issuance of treasury warrants o similar na mga kagamitan; ang paglabas o disbursement ng pondong pampubliko, pagkakaroon ng fund raising sa pamamagitan ng sayaw, sugal, at sabong; ang paggamit ng armored/land/water/aircraft at pagtatalaga o paggamit ng special policemen, special/confidant agents at mga kahalintuald nito.
Sa Plebiscite Period naman na nakatakda sa Abril 11, 2020 hanggang Mayo 18, 2020, kagaya ng normal na halalan ay ipinagbabawal ang paglilipat ng lugar ng presinto o establisyimento ng bagong presento, pagbabawal ng pagdadala ng mga baril at iba pang nakamamatay na sandata sa mga pampublikong lugar, kabilang na ang mga gusali, lansangan, parke, private vehicle at private conveyance, kahit na ang mga lisensiyadong magdala nito maliban na lamang kung inotorisa ng Komisyon sa pamamagitan ng panulat.
Hindi rin maaaring isagawa ang paglilipat ng mga opisyales at mga kawani ng Civil Service, ang pagbuo o pagmantini ng reaction forces, strike forces o kahalintulad nito, ang pagsuspende ng isang halal na opisyal o iligal na pagpapalaya ng isang bilanggo.
Sa gabi bago ang plebisito o sa Mayo 10, 2020, mahigpit na ipinaalaala ng Komisyon na ipinagbabawal ang pangangampanya; ang pagbenta, pagbili, pag-alok, pamamahagi o pag-inom ng nakalalasing na inumin; at ang pagbibigay at pagtanggap ng libreng transportasyon, pagkain, inumin at iba pang mga gamit na may halaga.
Sa araw naman ng plebisito, magsisimula ang botohan sa ika-7:00 ng umaga hanggang ika-3:00 ng hapon at pagkatapos nito ay agad nang isasagawa ang bilangan.
Pagpatak ng alas sais ng hapon ay ang pag-convene ng Municipal/Provincial Board of Canvassers at pagkatapos nito ay ang agarang isusunod ang vote canvassing at pagpoproklama sa mga nagawagi simula ika-6:00 ng gabi hanggang sa matapos.
Ipinagbabawal din ang mangangampanya, ang pagbenta, pagbili, pag-alok, pamamahagi o pag-inom ng nakalalasing na inumin sa Plebiscite Day; pagtanggap ng libreng transportasyon, pagkain, inumin at iba pang mga gamit na may halaga; pagdadala ng mga nakamamatay na sandata sa polling precinct; ang pagtitinda at ang paghingi o pagtatanong ng “Yes!” o “No!”, 30 metro ang layo mula sa polling precinct at gayundin ang pagsasagawa ng pustahan.
Sa kabilang dako, matatandaang sa panukala, ang kasalukuyang iisang probinsiya ay mahahati sa tatlo gaya ng Palawan del Sur, Palawan Oriental, at Palawan del Norte.
Ang Palawan del Sur ay kinabibilangan ng mga munisipyo sa sur ng lalawigan tulad ng Aborlan, Narra, Sofronio Espanola, Quezon, Jose Rizal, Bataraza, Balabac, Brooke’s Point at Kalayaan; sa Palawan Oriental o mga bayang nasa gitna at dulong mainland Palawan na gaya ng Roxas, San Vicente, Dumaran, Araceli, at gayundin din ang mga hiwalay na island municipalities ng Cuyo, Magsaysay, Agutaya at Cagayancillo. Ang Palawan del Norte naman ay kinabibilangan ng mga bayan ng El Nido, Taytay, Coron, Busuanga, Culion, at Linapacan.
Discussion about this post