Boluntaryong sumuko sa mga kinauukulan ang isang Sangguniang Kabataan chairman sa Munisipyo ng Taytay upang linisin umano ang kanyang pangalan matapos malinlang ng Communist-Terrorist Group (CTG) na umanib sa kanila.
Sa panayam ng Palawan Daily News sa tagapagsalita ng Third Marine Brigade na si Capt. Orchie Bobis, kinumpirma niyang sumuko noong Nobyembre 16 si SK Chairman Rico Soñer sa Joint Task Group North, sa ilalim ng Joint Task Force Peacock sa headquarters ng Marine Battalion Landing Team (MBLT)-3 sa Brgy. Minara, Roxas, Palawan.
Sa kwento umano ni Soñer na siya ring presidente ng Anakbayan sa nasabing munisipyo, hindi niya batid na mga miyembro ng makakaliwang grupo ang nanghikayat sa kanyang sina Ronces “Ka Aisa” Paragoso na nagpakilala noong human rights worker at Absie “Ka Andoy” Eligio. Nakumpirma lamang umano niya ito nang may mga dumadalaw na sa kanyang mga armadong indibidwal na sa tingin niya ay desididong ipasok siya bilang fulltime na NPA member.
Labis umano ang kanyang pangamba nang makita ang kanyang larawan at pangalan na kabilang sa mga wanted persons at nakapaloob pa sa propaganda video na inilabas ng CTG kaya hindi na siya nag-atubili pang isumite ang sarili sa mga otoridad.
Iginiit umano ng nasabing kabataan na nang lumahok siya at sa kanyang pag-organisa ng mga kapwa niya kabataan sa Taytay bago mag-eleksyon, sa gitna ng pangakong magwawagi sa halalan, ay wala siyang kaalam-alam sa background ng kinaanibang grupo.
Maalaalang sa press release na ipinaskil ng Palawan Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) sa kanilang social media account kamakailan ay tahasang itinuro ni Soñer sina Paragoso at Eligio na naghikayat sa kanya. “Ni-recruit po ako nina Ka Aisa, at sinabihang mas makatutulong ako sa mga kabataan kung ako ang mamumuno sa kanila sa pamamagitan ng pagiging aktibong lider ng Anakbayan. Ang kabayanahin daw po ng mga kabataan ay nakasalalay sa aming pag-aaklas laban sa mapang-aping gobyerno at mas magagamit daw po namin ang aming lakas kung kami ay mamundok at makipagdigma sa gobyerno,” ang bahagi ng pahayag ni Soñer.
Sa pagsuko ng lider ng Anakbayan na ngayon ay nalinis na ang pangalan, nakakapamuhay na ng maayos at binigyan ng seguridad ng gobyerno ay lubos na ikinatuwa ng mga bumubuo ng PTF-ELCAC dahil sa nailigtas na naman umano nila ang isa pang biktima ng maling doktrina ng CPP-NPA.
Kaugnay nito, patuloy ang paghikayat ng mga kinauukulan sa mga Pilipinong nasa kabundukan at nakikibaka laban sa gobyerno na sumuko na at magbalik-loob.
Mensahe ni Capt. Bobis sa mga miyembro ng New People’s Army na nakahanda ang gobyerno na bigyan sila ng panibagong-buhay, sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa ilalim ng programang Enhanced-Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at ng Local Social Integration Program (LSIP) naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, maliban pa sa kaakibat na salalping ibibigay sa kanila kapag may isinukong armas. Mangyari lamang umanong makipag-ugnayan sa JTF Peacock sa numerong 09017-814-7875 kung nais nang magbagong –buhay at maipangangako umano sa kanila ang “maayos na pagsuko” at “magandang kinabukasan.”
Discussion about this post