Pinaghahanap na ngayon ng batas ang coordinator ng Kabataan Partylist-Palawan Chapter na si G. Absie Eligio, base sa ibinabang warrant of arrest kamakailan.
Ayon kay Capt. Orchie Bobis, spokesperson ng Third Marine Brigade, ibinaba ang dokumento para sa pag-aresto kay Eligio o Absolom Jerome Eligio sa tunay na buhay noong ika-6 ng Nobyembre, taong kasalukuyan.
“Galingan niya ang pagtatago dahil lumabas na ang kanyang warrant of arrest,” pahayag ni Bobis.
Aniya, ibinaba ang warrant of arrest kaugnay sa kasong rebelyon at pirmado ni Judge Ramon Chito Rada Mendoza, executive at presiding judge ng Regional Trial Court Branch 165 sa Bayan ng Brooke’s Point.
Isa si Eligio sa itinuro ng sumukong SK Chairman ng Paly, Taytay na si Rico Soñer na nag-recruit umano sa kanya para umanib sa samahang Anakbayan at mag-organisa ng mga kabataan doon sa kanilang lugar hanggang sa hayagang humikayat sa kanila na makibaka at mag-aklas laban sa pamahalaan.
Kasama rin sa warrant sina Ronces “Aiza” Paragoso na nahuli kamakailan at Charity “Ka Rise” Diño.
Matatandaang sa Multi-sectoral Security Summit na pinangunahan ng Palawan Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) noong ika-29 ng Oktubre, isa sa nilantad na impormasyon ng mga kinauukulan ang kaugnayan at kuneksyon ni Eligio sa mga makakaliwang grupo.
Sa ibinahaging video ng PTF-ELCAC sa media, makikita si Eligio o kilala sa mga alyas na “Ka Andoy/Jesus” na nagsasalita, background ang baligtad na watawat ng Pilipinas na may trayangulo sa gitna at naroon ang tatlong bituin at araw at may nakasulat na NDF o nangangahulugang National Democratic Front at mga pulang bandila na kilalang nauugnay sa CPP-NPA. Maliban pa rito, may caption ang nasabing video na kuha iyon noong ika-48 na anibersaryo ng Communist Party of the Philippines.
Maririnig sa naturang video ng coordinator ng Makabayan-Palawan na siya ring coordinator ng National Union of Students of the Philippines (NUSP)-Palawan Chapter na binanggit niyang maituturing na kanilang “tagumpay” ang halos limang dekadang pakikibaka kontra sa gobyerno. Aniya, sa kasaysayan ng rebolusyon sa buong mundo, maituturing na pinakamatagal sa Pilipinas dahil hindi sila kailanman sumuko.
Sa organizational chart ng NPA sa Palawan, kabilang din si Eligio sa White Area Staff, gaya nina Paragoso at ng tatlong iba pa. Si Paragoso o kilala sa alyas na “Ka Aisa,” “Ka Aiza,” at “Ka Elsa”ay kasama sa anim pang mga pinaghihinalaang lider at miyembro ng CPP-NPA na mga nahuli sa isang checkpoint sa Brgy. San Jose, lungsod ng Puerto Princesa noong ika-5 ng Oktubre at ngayong taon ay nakapiit na sa City Jail habang nililitis ang kanilang mga kaso.
Samantala, habang sinusulat naman ang balitang ito ay sinisikap ng Palawan Daily News na hingin ang panig ni G. Eligio.
Discussion about this post