Kinumpirma ni incumbent Araceli Mayor Sue Cudilla na posibleng ngayong linggo ay maghahain ang kanilang panig ng Temporary Restraining Order (TRO) sa Commission on Elections (Comelec) central office may kaugnayan sa ibinabang execution order ng RTC Branch 164.
Sa pakikipanayam kay Cudilla ng host ng Palawan Daily News (PDN) na si Chris Barrientos sa kanyang online radio program na “Chris Ng Bayan” kahapon, tinuran ng alkalde na mas maigi nang malaman ng kanilang mga supporters at ng sambayanan ang kanilang mga kasunod na plano bilang tugon sa ibinabang order ng korte na ipatupad na ang resulta ng poll protest noong Marso na pumabor kay former Mayor Noel Beronio.
“Ang iniisip ko lang, siguro na mas maganda na ring malaman ng lahat na, we are going to secure ng aking TRO sa Comelec Division sa Maynila; although…pinag-uusapan pa po namin [ito] ng aming lawyer. Baka this week ay ilalabas din namin ‘yung aming ifa-file na TRO,” aniya.
Nang tanungin kung gaano sila ka-confident na maaprubahan ang hihilingin nilang TRO, sinabi ng punong-bayan na confident sila dahil alam naman umano nilang maganda ang kanilang ipinaglalaban.
“Confident naman po talaga [kami] kasi from the very start, alam naman natin na mayroon kaming ipinaglalaban. At sa tingin ko po ay maganda naman ‘yung stand namin,” giit niya.
Para sa laban para sa pwesto, kanilang binabalik-balikan umano sa ngayon kung ano ang mga dapat nilang i-cite sa isusumiteng TRO.
“So far po, confident naman po ‘yung ang aming team para rito,” dagdag pa ni Mayor Cudilla.
At aminado mang tumatakbo ang mga araw sa kanila magmula nang mapirmahan ng hukuman ang order noong Mayo 8, ngunit nangako umano ang kanyang mga abogado “na mayroon namang gagamiting circumstance na pwedeng maiparating kaagad doon sa Comelec-Manila ‘yung aming ifa-file na TRO.”
Isang hamon din umano ang umiiral pang ECQ o MECQ sa Kamaynilaan kaya posible rin umanong kukuha na lamang sila ng abogado mismo roon na siyang magsusumite ng TRO kung hindi pa rin makaluluwas ang kanyang tagapagtanggol sa Metro Manila mula sa Puerto Princesa.
Di rin napigilang maghayag ng saloobin ni Mayor Cudilla ukol sa kinalabasan ng hearing at sinabing “parang nakalilito” ang naging desisyon ng korte.
“So, parang nakalilito po eh no kasi iisa lang naman po ang content ng aming ipinaglalaban. So, na-deny siya noong nakaraan, ngayon naman, parang biglang bumaligtad si judge sa kanyang decision,” aniya.
“Ang hirap masyadong i-digest po ‘yung mga information kasi ‘yung nakaraan ay na-deny na ito, then biglang ang-file ng ‘Motion for Reiteration’ itong si Beronio at sa ngayon po ay pinanigan naman,” dagdag pa ni Cudilla. Ang sagot naman ni ex-Mayor Beronio, na-deny lamang ang kanilang naunang mosyon dahil umano sa mga pinaiiral na polisiya dulot ng COVID-19 at mayroon ng resulta sa ngayon dahil isinailalim na sa kategoryang CGQ ang buong lalawigan ng Palawan.
Discussion about this post