Pormal nang pinasinayaan ang bagong Narra Municipal Hospital na matatagpuan sa Barangay Antipuluan, sa bayan ng Narra noong ika-27 ng Hunyo, taong kasalukuyan.
“Ito po ay handog ng Provincial Government sa pakikipagtulungan ng LGU, kaya tulungan n’yo kami na mas pagandahin pa natin ang pagseserbisyo dito,” pahayag ni Gob. Jose Ch. Alvarez.
Ang bagong Narra Municipal Hospital ay magkatuwang na pinondohan ng Department of Health at Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaang bayan ng Narra at ng Development Bank of the Philippines. Ito ay may kabuoang pondo na ₱116,994,210.17 kung saan kabilang dito ang halaga ng mga bagong hospital equipment na nagkakahalaga ng ₱14,871,550.00.
Ang nabanggit na ospital ay may kumpletong pasilidad tulad ng Laboratory Room, CT Scan Room, Dietary/Linen Building, Isolation Building, Material Recovery Facility Building, Doctor’s/Nurses Quarters, Mortuary, Power House Building/Motor pool, Elevated Water Tank300m³/ Deepwell/ Water Treatment Facility, Supply & Installation of 3 Transformers / Accessories / Panel Board / Main Cable.
Bukod dito ay mayroon ding inilagay na CCTV/Intercom/Paging System, Nurse Station Counters, Fire Protection and Alarm System para sa proteksiyon ng mga pasyente at mga manggagawa rito.
“Nagpupugay po tayo sa Panginoon dahil ang inaasam-asam natin ay nandito na, tatlong taon nating inantay; ito po ang commitment ni Gob. under IHELP Program. Ito pong hospital ay bukas din sa ating karatig munisipyo lalo na sa mga residente ng Narra,” ani Narra Mayor Lucena Demaala.
Kasabay din ng pagbubukas ang Narra Municipal Hospital ay ang paghahatid ng libreng serbisyong medikal at dental sa pangunguna ng Gobyerno sa Barangay na matagumpay naisagawa sa loob ng isang araw.
Pagkatapos ng pagbubukas ng Narra Municipal Hospital ay agad din itong sinundan ng pagpapasinaya ngayong araw, ika-28 ng Hunyo ng bagong Southern Palawan Provincial Hospital na matatagpuan sa bayan ng Brooke’s Point.
Inaasahan naman sa susunod na buwan ay pasisinayaan na rin ang mga bagong Medicare Hospital sa mga bayan ng Rizal at Roxas.
Samantala, nakatakda sa ika-16 hanggang ika-18 ng Hulyo ang libreng operasyon para sa mga Palaweño na isasagawa sa Narra Municipal Hospital. Ito ay kapapalooban ng minor surgeries na pangungunahan ng mga Pilipinong doktor na nakabase sa Estados Unidos at mula sa Kamaynilaan at lalawigan ng Davao.
Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit 80 mga Palaweño na kumukuha ng kursong medisina sa iba’t ibang pamantasan sa bansa ang nasa ilalim ng scholarship program ng Pamahalaang Panlalawigan. Sa kanilang pagtatapos ng pag-aaral ay inaasahang magsisilbi sila sa mga ospital sa lalawigan ng Palawan.
Discussion about this post