Dahil sa kulang pa ang bilang ng mga ballot boxes na gagamitin sa plebesito para sa paghahati ng Palawan sa May 11, 2020, nagpadala na ng request para sa karagdagang ballot boxes ang Office of the Provincial Election Supervisor sa kanilang Property Division sa Commission on Elections (Comelec) sa Maynila.
Ito ang ipinabatid ng tagapagsalita ng Comelec-Palawan na si G. Jomel Ordas sa “Kapihan sa PIA” kamakailan na ang talakayaan ay sumentro sa paglikha ng panibagong mga probinsiya.
Ani Ordas, mayroon pang 120 ballot boxes ang kulang para gamitin sa plebesito sa 13 munisipyo sa kabuuang 23 bayan sa lalawigan.
Naiya, sa Unang Distrito mayroong 94 ang total number of need ballot boxes. Ang mga ito ay sa Bayan ng Cagayancillo na ang kulang ay 17, sa Coron ay 33, Cuyo-15, Dumaran-15, El Nido-2, Kalayaan-1, Magsaysay-1 at Taytay-10.
Sa Second District naman umano, ang kabuuang bilang ng mga kakailanganing ballot boxes ay 23. Ito ay para sa mag Munisipyo ng Bataraza na ang kulang ay 13, Brooke’s Point ay dalawa, Quezon-4 at Sofronio Espanola-4 habang sa Ikatlong Distrito ay tatlo na partikular na ilalagak sa Bayan ng Aborlan sapagkat hindi kasama ang lungsod ng Puerto Princesa na napapabilang din sa Third District, sa nasabing plebesito.
Sa buong Palawan na mayroong 1,524 clustered precincts, ang kasalukuyang bilang ng mga serviceable ballot boxes ay nasa 2, 603.
Ngunit nilinaw ni Ordas, mayroong kabuuang 219 excess ballot boxes ang mga munisipyo kung saan ang 68 ay mula sa Unang Distrito at mayroong 151 sa Ikalawang Distrito na pwedeng gamitin kung pahihintulutan.
Hinihintay sa kasalukuyan ng Comelec-Palawan ang magiging direktiba ng Comelec central office ukol dito.
Discussion about this post