Dalawa ang naitalang patay dito sa lalawigan ng Palawan dahil sa pananalasa ng Bagyong Quinta.
Ito ang kinumpirma kanina sa programang “News Room sa Palawan Daily News” ni Jerry Alili, head ng Palawan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office o PDRMO.
“May recorded po tayo 2 na casualties. Isa sa Coron at isa sa El Nido,” pahayag ni Alili.
Aniya, yung sa Coron ay nahulog sa bangka habang yung isa naman ay nabagsakan ng puno sa bayan ng El Nido.
“Yan po sa El Nido yung nabagsakan ng puno. Sa initial na report naman sa Coron ay maaaring nahulog sya sa bangka na binabantayan at nalunod,” ani Alili.
Bukod pa umano sa dalawa ay nakapagtala na sila ng 43 na nasirang mga bahay at inaasahang tataas pa ang bilang kapag dumating na ang report mula sa ibang munisipyo.
“May reported 43 partially-damaged houses. Ito ay partial report pa lang po dahil ang report na ito ay nanggaling pa lang sa Cuyo at Culion and most of partially-damaged houses ay nasa Culion, pero inaasahan po natin na tataas ang number na ito dahil hindi pa nakakarating ang report sa Busuaga at Coron,” pahayag pa ni Alili.
Tinatayang 44 na pamilya naman ang nailikas kahapon bunsod ng pagbaha at pagkasira ng kanilang mga bahay.
“Around 44 families na nag-evacuate kahapon hanggang kanina at yung iba dito ay maaaring naka uwi narin sa kanilang mga tahanan, except po sa mga kababayan natin na nasira ang kanilang tahanan, kanilang bahay nasira ng malakas na hangin at nabagsakan ng puno,” dagdag pa nito.
Samantala tuloy tuloy parin ang kanilang monitoring sa iba’t ibang lugar sa lalawigan na apektado ng bagyo at kasabay ng paalala ng PDRRMO sa mga mamamayan na iwasan muna ang paglalakbay sa ilog at sa dagat dahil sa lubhang delikado.
Discussion about this post