Tiniyak ng pinuno ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Palawan Field Office na tuloy-tuloy ang ginagawa nilang monitoring at pakikipag-ugnayan sa DFA, OWWA at POEA kung may mga Palawenyong naiipit ngayon sa tensyong nagaganap sa Middle East.
Ang pagbibigay katiyakan ay inihayag ng pinuno ng ahensiya na si G. Luigi Evangelista sa isinagawang “Kapihan sa PIA” noong ika-9 ng Enero.
Matatandaang nang pumutok ang hidwaan ay agad na iniatas ng pamahalaan ang mandatory repatriation sa mga OFW sa Iraq at kalapit na mga bansa at pag-anunsiyo na magpapadala ng barko ng PCG upang madaling maialis ang mga Pilipino sa apektadong mga lugar.
Sa kasalukuyan, wala pang naibibigay na bilang ang DOLE-Palawan Field Office sa kung ilang mula sa Palawan ang kailangang pauwiin sapagkat ayon kay G. Evangelista, hinihingi pa nila ito sa central office ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na silang may control ng database.
Magpapatuloy umano ang ginagawang repatriation ng gobyerno ng Pilipinas sa mga overseas Filipino Workers (OFW’s) na nasa mga bansang sa Iraq, Iran, at Lebanon bagamat bahagya nang humupa ang tensyon sa pagitan ng Iran at Amerika.
Ani Evangelista, may instruction na rin sa lahat ng mga OFW na naroon sa nasabing mga bansa na maaari silang pauwiin anumang oras.
“Sa ngayon, base din lang doon sa initial info na ibinaba sa mga embahada ng DFA ay pinaghahanda na ang lahat ng mga Filipino overseas sa Iran, UAE, Kuwait na anytime, i-repatriate [sila],” ani Evangelista sa Kapihan.
“Based nga doon sa mga instructions na ibinigay sa amin ni [DOLE] Sec. [Silvestre] Bello [III], ipinarating niyang ang spokesperson ng DOLE, sa katauhan ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac, ay siya ang pupunta to monitor and ensure the safety ng ating [mga] OFW. At in-inform natin ang mga OFW na anytime, [mag]-ready na for mandatory repatriation,” aniya.
Hanggang hindi naman lubusang pumayapa sa Gitnang Silangan ay ititigil muna ng gobyerno ng Pilipinas ang pagpapadala ng manggagawa sa bahaging iyon ng rehiyon.
“May verbal instruction na rin na medyo hold muna ang deployment, particularly sa Iran at Iraq,” anunsiyo pa ng pinuno ng DOLE-Palawan Field Office.
Kung sakali man umanong may mapauwing taga-Palawan, siniguro rin ni Evangelista na bagamat hindi mapapantayan ang kita sa pinanggalingang bansa ay hindi naman sila pababayaan ng pamahalaan.
Maaari umanong sumailalim ang mga mapauuwing OFW sa mga libreng pagsasanay ng TESDA at OWWA para sa bagong skills nang makahanap ng panibagong trabaho sa mga bansang hindi apektado ng tensyon o di kaya’y magtrabaho na lamang dito sa Pilipinas.
Discussion about this post