Dumating na sa lungsod ng Puerto Princesa ang ikatlong batch ng mga Returning Overseas Filipino Workers kaninang umaga, May 31 na una nang na-stranded sa Maynila ng mahigit sa dalawang buwan dahil sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Ito ay kinabibilangan ng 23 mga indibidwal lulan ng eroplano ng Air Asia na lumapag sa Puerto Princesa International Airport (PPIA) ganap na 7:45 ng umaga kung saan labing tatlo ang taga lungsod habang ang sampu naman ay mula sa iba’t-ibang munisipyo sa lalawigan ng Palawan.
Lahat ng mga dumating ay agad na isinailalim sa disinfection kasama ng kanilang mga kagamitan, rapid diagnostic testing at iba pang health protocols na ipinatutupad sa mga umuuwing ROFs at locally stranded individuals.
Matatandaan na una nang napa-ulat na 24 ROFs ang inaasahang dumating ngayong araw pero 23 lamang sa mga ito ang nakauwi matapos na hindi payagan ang isa sa mga ito na napag-alamang buntis.
Paliwanag ni Dignita Elijan ng OWWA-Palawan, na-off load ang ginang dahil sa 36 weeks na umano itong nagdadalang-tao.
Discussion about this post