Dalawang kulay dilaw at isa pang kulay bughaw na sealed plastic straws na umano’y pawang naglalaman ng shabu ang kabilang sa mga nahalughog ng mga otoridad nang ipatupad ang search warrant sa tahanan ng isang suspek sa Bayan ng Balabac kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si Apong Asli Usman, nasa hustong gulang, may asawa, mangingisda, at residente ng Sitio Marabon, Brgy. Bancalaan, Balabac, Palawan.
Sa spot report mula sa Palawan Police Provincial Office (Palawan PPO), bandang ala una y medya ng hapon noong ika-23 ng Mayo nang ipatupad ang search warrant na ibinaba ni Judge Ramon Chito Mendoza ng RTC Branch 165- Brooke’s Point laban sa suspek subalit wala ito sa kanyang bahay.
Sa ginawang paghahalughog na sinaksihan ng isang kagawad ng nasabing barangay, maliban sa mga straws na umano’y may lamang ipinagbabawal na gamot, nakita rin mula sa tahanan ni Usman ang isang bundle ng transparent plastic sachet, isang naka-rolyong aluminum foil, at mga used foil.
Ayon naman sa hiwalay na souce, sinabi nitong naging gawi na umano sa ilang bahagi ng Southern Palawan ang pagbebenta ng iligal na droga sa mga mangingisda, gamit ang mga plastic straw.
Samantala, patuloy parin ang ginagawang pagtugis ng mga otoridad sa nakatakas na suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Discussion about this post