Umabot na sa ika-49 na araw ng pagbabantay ang mga residente ng Sitio Marihangin sa Barangay Bugsuk, Balabac, Palawan laban sa presensiya ng mga armadong guwardiyang umano’y sapilitang pumasok sa kanilang komunidad noong Abril 4.
Batay sa mga ulat mula sa mga residente, aabot sa 80 pribadong guwardiya o “blueguards” ang unang tumapak sa isla nang walang pahintulot. Sinundan ito ng panibagong insidente noong Mayo 18 kung saan 41 pang guwardiya ang nagtangkang pumasok sa isla dakong alas-3 ng madaling araw.
Dahil sa patuloy na banta, araw-gabi umanong nagpupuyat ang mga residente—mga lalaki, babae, kabataan, at matatanda—upang magbantay at tiyaking hindi muling mapasok ang kanilang lugar. Ayon sa kanila, lubhang naapektuhan na ang kanilang kabuhayan at araw-araw na pamumuhay dulot ng takot at pangamba.
Maliban sa tensyong dulot ng presensiya ng mga guwardiya, kasalukuyan ding kinahaharap ng komunidad ang mga kasong isinampa laban sa ilan nilang kasamahan. Noong Mayo 15, inaresto ang tinaguriang “Marihangin 10” dahil sa kasong grave coercion. Samantala, hinatulan naman ng pagkakakulong ang Sitio Leader na si Oscar “Tatay Ondo” Pelayo noong Mayo 19 sa kasong illegal fishing na halos dalawang dekada nang dinidinig sa korte.
Patuloy ang panawagan ng mga residente sa mga kinauukulan na imbestigahan ang presensiya ng mga armadong guwardiya at ang umano’y panggigipit sa kanilang hanay sa pamamagitan ng mga kasong legal. Giit ng mga residente, may karapatan silang ipaglaban ang lupang matagal na nilang tinitirhan at kinabibilangan.