Inaasahang magsisimula na sa pangatlo o huling linggo ng buwan ng Hulyo ang Online Delivery System ng Professional Regulation Commission (PRC) ayon sa ulat ng representante ng ahensya sa Palawan na si Ms. Sheryl Rodrigo sa Question and Answer Hour ng ika-96 na Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan.
Ito ay upang mas mapadali umano ang pagkuha ng mga kliyente ng kanilang lisensya sa PRC sa pamamagitan ng kanilang partnership sa isang courier service ngayong patuloy ang pagkalat ng COVID-19,
Ayon kay Rodrigo, ang nasabing sistema ay para lamang sa Region 4B at hindi na sakop ang mga nasa labas ng rehiyon. Magiging direkta din sa nag-apply o nag-renew na professional ang pagtanggap ng PRC lisence at hindi na kailangan pa ng mga authorized persons.
“Actually, ito ay na-test na last year noong nagkaroon ng pandemic. Last year nag-pilot test ng Online Delivery System sa NCR [National Capitol Region] at sa ngayon ay patuloy pa rin naman. At the rest of the regions, kami pa lang po Region 4-A at B ang mauuna na susunod doon [sa NCR].” aniya.
Kaugnay nito ay hiniling din ng ahensya sa mga kliyente na personal na asikasuhin ang pag-apply ng renewal sa pamamagitan ng kanilang online account upang maprotektahan ang kanilang data privacy. Ipa-priority din umano ang mga medical frontliners at Senior Citizens maging ang mga ipo-promote sa kanilang trabaho.
Samantala, sa susunod na Regular Session ay ipapasa sa Sangguniang Panlalawigan ang isang Proposed Resolution na humihiling sa PRC na palawigin ang validity ng lisensya na mula sa 3 taon ay gawin itong 5 taon o higit pa.
Discussion about this post