PUERTO PRINCESA CITY — Hangad ng gobyerno na mai-deklara ang Palawan bilang malinis o ligtas sa Malaria pagsapit ng taong 2030.
Sinabi ni Kilusan Ligtas Malaria (KLM) program manager Aileen Balderian sa ‘”Kapihan sa Philippine Information Agency” kinakailangan pagsapit ng 2022 ay nasa elimination phase na sila o wala nang maitatalang positibong kaso nito sa buong lalawigan.
“Nabago ang target natin mula 2020, ngayon by 2030 na, dapat 2025, cleared phase na tayo, by 2022 dapat nasa elimination phase na tayo, dapat wala nang naka-count na positive cases,” ani Balderian.
“Tuloy-tuloy ang smearing natin pero dapat wala nang positive, after 5 years ang declaration ng cleared sa malaria,” dagdag pa ng opisyal.
Kinumpirma rin ni Balderian na ang Palawan ang pinakamalaking contributor ng Malaria sa buong Pilipinas na umaabot sa 92 percent.
Ayon sa kaniya, “4,200 malaria cases mayroon ang Pilipinas, 3,808 cases ang naitatala last year at iyon ay mula lang sa Palawan.”
Noong 2016, umabot sa 7,000 ang naging kaso ng malaria sa lalawigan, pero bumaba ito sa 3,000 noong nakalipas na taong 2017.
Sa kalahatian ng kasalukuyang taon, nasa 1,700 na ang positibong kaso ng malaria, mababa ito ng 100 kumpara sa parehong buwan ng nakalipas na taon.
Gayon pa man, positibo ang KLM na may magandang resulta ang kanilang kampanya at programa.
Upang maisakatuparan ang target, pinaiigting ng KLM ang mga estratehiya upang tuluyang masugpo ang malarya.
“Kung dati ang ating mga volunteers ay naka station lang sa mga patients o RHU, ngayon naka-focus na sila sa mga lugar at aakyat sa mga kabundukan upang hanapin isa-isa o magbahay-bahay para mas maka-focus kung nasaan ang cases,” aniya pa.
Sa ngayon ay mayroon na ring nagmo-monitor na 242 microscopists sa mga barangay, habang 244 naman ang kanilang Rapid Diagnostic Test (RDT).
Kung dati rin aniya ay 432 barangays pa sa lalawigan ang kanilang binabantayan, nabawasan na ito sa ngayon ng mga bayan ng Culion, Coron, Busuanga, Araceli at Dumaran na limang taon nang walang naitatalang kaso ng malaria.
“Patuloy pa rin ang spraying activity natin. Kung dati ginagawa natin ang spraying twice a year, ngayon po thrice a year na tayo, every 3-4 months, inuulitan na po ng spray para iyong mga insecticide na ini-spray sa mga kabahayan ay matitiyak na nandon pa rin sa dingding ng mga kabahayan bago mag-expire ay naka-spray na uli,” paliwanag pa niya.
Maliban sa spraying, nagpapatuloy din ang pagtuturo ng KLM lalo na sa mga komunidad ng mga katutubo kung ano ang nararapat gawin upang maiwasan ang sakit na malaria.
Discussion about this post