Tinitignan ngayon ng pamunuan ng Brgy. Guadalupe sa Bayan ng Coron ang magiging hakbang sa paglabag umano ng isang pribadong kompanya na nagsagawa ng aktibidad sa kanilang watershed area ng walang anumang papeles at sa panahon pa ng quarantine.
Sa panayam ng Palawan Daily News (PDN) kay Kgd. Riseldo Gallardo ng nasabing barangay, wala ni anumang papeles o aprubal ang hawak ng mga tauhan ng Skylodge Resort, Inc. sa kanilang ginawang pagkaingin, pagputol ng puno at pagtayo ng staff house at palikuran sa lugar na sa tantiya niya ay halos sampung metro lamang ang layo mula sa watersource ng kanilang barangay.
“Ni verbal na [paghingi ng] pahintulot wala po silang ginawa sa barangay….Bago sila pumasok [dito], wala po silang pirmiso na hiningi sa barangay, ni clearing permit, wala po,” ani Gallardo.
Aniya, nagsagawa na umano ng pagkakaingin at pagputol ng puno ang mga taong pinadala roon ng resort. Ang mga naputol naman umanong mga puno ang kanila ring ginamit sa paggawa nila ng kanilang staff house sa naturang lugar.
Dagdag pa ng kagawad, araw umano ng Miyerkoles noong nakaraang linggo nang magsimulang maglinis sa area ang nabanggit na mga tao hanggang sa nakaabot sa kabatiran ng barangay at nagkaroon ng pag-uusap sa pagitan ng kinatawan ng kompanya at barangay noong Biyernes. Doon ay napagkasunduan umanong itigil muna ng Skylodge ang kanilang ginagawang aktibidad.
SUMUWAY?
Ngunit nagulat na lamang umano ang mga opisyales ng barangay, sa pangunguna ni Kapt. Rico Sadang, dahil nang dinalaw nila ang lugar noong Sabado ay naroroon pa rin ang mga taong di baba sa 20 at patuloy sa kanilang ginagawa.
Ayon pa kay Kgd. Gallardo, kinausap umano nila ang naturang mga indibidwal na itigil na ang kanilang paggawa sapagkat nasa quarantine ang buong Luzon at kung magpapatuloy sila ay ang barangay naman ang babalikan ng DILG. Ngunit nagmatigas pa umano ang kinatawan ng kompanya sa kanilang atas at binastos pa umano sila ng taong iyon.
“Base po roon sa dokomento na pinakita nila…, ayon sa aking kaalaman, nabili ng Skylodge Resort, [Inc.] kay Mr. [Arceo] Baquid [ang lupaing iyon]. At…akin din pong napag-alaman na ang area na pinasok nila ngayon ay hindi pasok sa lupa ni Baquid; ito ay pagmamay-ari ng pamilya Hipos,” paglilinaw pa ni Kgd. Gallardo. Ito ay dahil pinalalabas umano ng kompanya na pagmamay-ari ni G. Baquid ang kanilang ginagalaw ngunit napag-alaman nilang sakop ito sa area ng pamilya Hipos.
BAYAN MUNA
Aniya, sa pag-e-endorso nila ng resolusyon, ang requirement lamang ay titulo ng lupa at kung may ibang claimant sa lupa ngunit nilinaw din niyang kung may papel man ay titingnan pa rin nilang maigi kung ang proyektong ilalagay ay may mga maapektuhang mga residente o wala.
“Kung mayroon po, hindi po kami magbibigay kasi po, mas importante sa amin ang kapakanan ng mga apektadong residente,” aniya.
Sa inisyal na datus ng barangay, mahigit 240 kabahayan mula sa tatlong sitio ng Guadalupe ang nakikinabang sa water source na direktang maaapektuhan kapag natuloy ang proyekto. Lalo pa umano na ang ibang kabahayan ay simula’t sapul, bago pa man itong nadeklarang watershed area ng barangay ay doon na umaasa ng kanilang pangangailangan sa patubig sa araw-araw.
Isa pa sa inaalala ng opisyal ay ang kakulangan ng patubig sa tuwing sumasapit ang tag-init kaya nakita nilang nararapat lamang na iyon ay kanilang pahalagahan.
PAGLALAHAD NG ISANG CONCERNED CITIZEN
Nagkwento rin ang isang babaeng concerned citizen na nakiusap na huwag nang banggitin ang kanyang pangalan.
“Merun po silang ipinaskil na mga tarpaulin po sa pamunuan daw po ng Skylodge management na pagmamay-ari raw po nila forest land na kung saan, napakalapit po mismo sa watershed area ng aming sitio,” aniya.
Sakto umanong naabutan ang mga taong iyon ng kanyang mga kamag-anak dahil napag-usapan umano nila na tumungo roon dahil nabalitaan nilang maraming tao ang dinala ng pamunuan ng resort at nagpakilalang “tao raw sila ng Skylodge para maglinis ng kanilang nabiling property na forest land.”
HULI SA AKTO
“Naabutan po namin ang [pagki-] clearing nila sa area at mga putol na kahoy sa baba at taas watershed ng sitio namin. Marami pong putol at natumbang kahoy,” aniya.
“Gamitin man po nila ‘yun na kasangkapan sa plano man po, anuman [ang] pinaplano nilang itayo na istruktura, sana po mabigyang-pansin na kahit paano ay mapatigil at mapaimbestigahan po muna kung ano po ba balak nila kahit po sa aming barangay, wala silang kinuhang permit to operate,” dagdag pa niya.
Gaya ng mga sinabi ni Kgd. Gallardo, ilang araw umanong tuloy-tuloy ang paggawa ng mga taong iyon na inaksyunan naman umano kaagad ng pamunuan ng DENR-CENRO Coron, kasama ang punong barangay at iba pang opisyal at inenspeksyon nila ang bundok at watershed.
“Nasa quarantine po tayo sa ngayon, pero ang pamunuan ng Skylodge may tao sila at patuloy ang paggawa sa mga trabahador po nila sa mga panahon,” saad niya na tinukoy ang ilang araw na paggawa roon bago tuluyang huminto noong Easter Sunday.
May naisumite na rin umano sila ng complaint letter sa tanggapan ng DENR CENRO-Coron ukol sa nasabing pag-abuso sa kalikasan.
“Sana ay mapatigil na ito ngunit binalaan sila ng pamunuan ng PNP Coron [at nagsabing] ‘wag na raw makialam ang kagawad sa trabaho ng Skylodge,” aniya. Ang tinutukoy niyang sinabihan umano ng pulisya ay si Kgd. Gallardo.
Giit pa niya, mapipirang tao umano ang nasa likod ng planong proyekto sa Brgy. Guadalupe.
Mariin niyang sinabi na ipinaglalaban nilang maipatigil na ang proyekto dahil may direktiba ang DILG sa lahat ng mga lokal na pamahalaan na ipatigil ang lahat ng mga konstruksyon ngayong panahon ng quarantine, maliban na lamang kung mahahalagang proyekto ng gobyerno upang masugpo ang kumakalat na COVID-19.
Aniya, sila ang kikilos para rito sapagkat “wala ng ibang iimik at makikipaglaban para sa tubig na buhay ng tao.”
“Darating [ang] oras, magiging mahirap [ang] kalagayan naming lahat samantalang may ibang tao [na] masasarap [ang] buhay,” paliwanag pa niya.
Dagdag pa ng nasabing concerned citizen, sinubukan ng mga tauhan ng kompanya na isagawa ngayong lockdown ang plano sa pag-aakalang wala ng makapagmo-monitor sa kanila at “pagkatapos ng quarantine, tapos na ang mga proyekto nila.”
‘DI ORDINARYONG BAHAY LANG ITATAYO’
“Sa loob ng bahay bunkhouse niyan, puro materyales—semento, mga plywood, kaya alam naming di ordinaryong bahay lang itatayo, may kasunod pang plano riyan,” wika pa niya. Sa nakarating umanong impromasyon sa kanila ay nais ng kompanya na i-develop ang area para sa isang eco-resort project.
“Ito po CR nila diyan malapit [sa] ilog [ang] dumihan nila ilalagay,” ayon pa sa naturang concerned citizen matapos makapagpadala sa PDN team ng mga larawan, kasama ang bowl ng inodoro, sa pamamagitan ng messenger.
At gaya ng sinabi ni Kgd. Gallardo na binastos sila ng kinatawan ng kompanya ay ganito rin ang kwento ng concerned citizen. “Mayabang pa ang taong in-charge diyan….siya ang ahente [ng] mga bentahan nila diyan sa area ng matanda na ginagawaan niya ng kwento.”
Sa hiwalay na panayam naman ng PDN sa DENR-PENRO sa pamamagitan ng telepono, nangako si PENRO Eriberto Saños na paiimbestigahan ang nasabing isyu at tanging ang hinihintay na lamang ay ang report mula sa DENR-CENRO Coron.
Habang sinusulat naman ang balitang ito ay sinisikap ng Palawan Daily na kunan ng panig ang Skylodge Resort Inc. at ang Coron PNP ngunit wala pa silang naibibigay na kasagutan sa ipinadalang text messages at private message ng news team.
Discussion about this post