EL NIDO, PALAWAN – Nag-isyu kahapon ng Show Cause Order (SCO) ang Social Security System (SSS) sa siyam na mga delingkuwenteng employers sa El Nido, Palawan.
Ang operasyon ay isinagawa bilang bahagi ng kampanyang “Run After Contribution Evaders (RACE)” na pinangunahan ni SSS President at Chief Executive Officer (CEO) Emmanuel Dooc.
Ayon sa press release ng SSS, siyam na mga delingkuwenteng employers ay hindi rehistrado ang kanilang negosyo, at ang isa naman ay hindi nagbabayad ng kontribusyon.
Ang mga nakatanggap ng SCO na hindi naka-rehistro sa institusyon ay ang Scene Onsight Restaurant, Amos Restaurant, Casa Carlota Pension, El Grande Tourist Inn, Mando Mango Inn, Ristorante La Lupa, at Villa Dali Island, Inc.
Samantala, pinagbabayad ng halos P72,000 ang Caera Travel and Tours dahil sa hindi nito nabayarang mga kontribusyon sa SSS.
Binibigyan naman ng labinlimang araw ang may-ari ng nabanggit na mga establisyemento upang tuparin ang kanilang mga obligasyon.
Sa isang press conference, sinabi ni Dooc na ang paglabag sa SSS Law ay isang kasong kriminal na ang sino mang lalabag dito ay may kaparusahang pagkakulong ng anim at isang araw hanggang labindalawang taon, at may kaakibat na multa, kasama pa ang hindi nababayarang obligasyon sa pension fund.
“Nakakalungkot na habang ang mga employers na ito ay kumikita sa kanikang negosyo, kanila namang isinasawalang bahala ang kanilang obligasyon na nasasaad sa batas at kanila ring inaalisan ng social security benefits ang mga empleyado,” sabi ni Dooc.
Base pa sa talaan ng SSS, bagamat ang El Nido ay destinasyon ng mga turista at napakaraming establisyemento, mayroon naman itong mababang bilang ng mga employers na sumusunod sa batas ng isntitusyon. (SSS/AJA- PDN)
Discussion about this post