Nauwi sa pananaksak ang bangayan ng magkabilang grupo ng kabataan sa Bayan ng El Nido, Palawan kagabi.
Kinilala ang biktima na si Dindo Magbanua, 19 taong gulang, binata, jobless, at residente ng Purok Maligaya, Brgy. Mabini, El Nido habang ang suspek ay si Rady Jr. a.k.a Junior, 19 anyos, lalaki, wala ring trabaho at residente rin ng nasabing lugar.
Sa spot report ng PPO, nakasaad na dakong 10 pm kahapon, Agosto 5, 2020 ay tumungo ang ina ng biktima na si Dina Conejos Magbanua sa El Nido MPS upang iulat ang pananaksak sa kanyang anak na naganap bandang 7:00 pm ng araw ding iyon sa Purok Pinagpala, Brgy. Mabini.
Sa isinagawang inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas na nagkaroon ng suntukan sa pagitan ng mga grupo ng biktima at suspek na kung saan ay sinaksak ng huli ang una gamit ang basag na bote.
Dahil sa naganap ay nagtamo ang biktima ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at dinala ng kanyang mga kamag-anak sa 4K medical clinic upang maipagamot ngunit kalaunan ay pinayuhan ng tuminging doktor na ilipat sa anumang ospital sa Puerto Princesa City sa patuloy niyang pagpapagaling medical habang ang suspek naman ay tumakas sa di pa batid na direksiyon.
Samantala, habang sinusulat naman ang balitang ito ay nagpapapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon at manhunt operation ng mga tauhan ng El Nido MPS tungo sa pagkakadakip sa suspek.
Discussion about this post