PUERTO PRINCESA CITY — Aminado si Puerto Princesa City Tourism Officer (CTO) Aileen Cynthia Amurao na kinakapos ang siyudad ng mga hotel accommodation na tatanggap sa sabay-sabay na pagdagsa ng mga turista.
“May problema tayo sa hotel booking, kulang ang accommodation natin,” tinuran ni Amurao sa panayam ng media.
Ayon sa opisyal, sa kasalukuyan ay mayroon lamang mahigit 1,500 hotel rooms sa buong lungsod.
“Laging fully booked ang mga accmmodations natin, ang iba na naka schedule nang mag tour dito di agad makapasok dahil tumatagal ng 6 days ang stay ng mga guests, saka pa puwedeng tumanggap uli ng booking,” paliwanag ng opisyal.
Base naman sa talaan ng CTO, sa kalahatian pa lamang ng taong kasalukuyan, umabot na sa mahigit 225,000 ang arrivals ng domestic at foreign tourists.
Sinabi pa ng opisyal na upang matugunan ito, nakatutok ngayon ang kanilang opisina sa paggawa ng mga investment promotions upang mahikayat ang mga mamumuhunan sa turismo.
Aniya, ito ngayon ang kanilang ginagawang hakbang sa halip na manghikayat pa ng maraming turista mula sa ibang bansa na tumungo sa siyudad.
Isa rin sa isinusulong ng city government na mapabilis ang proseso ng mga dokumento ng mga mamumuhunan sa turismo sapagkat ayon kay Amurao, isa ito sa mga nakikitang pangunahing dahilan kung bakit hindi agarang makapagtayo ng negosyo ang mga ito
Discussion about this post