Mananatili sa ilalim ng general community quarantine o GCQ ang Region 4B MIMAROPA kung saan kabilang ang lalawigan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa.
Kasunod ito ng pinakabagong anunsyo ng Malacañang kung saan binabawi ang nauna nang pahayag kahapon, May 14 kung saan mula May 16 ay ibababa n asana sa klasipikasyon ng modified general community quarantine ang mga probinsya na may mababang kaso ng COVID-19.
Sa isinagawang online press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokeperson Harry Roque na inamyendahan ng National Inter-Agency Task Force ang naunang resolusyon at naglabas ng IATF Resolution No. 35-A kung saan ibinabalik sa GCQ ang mga lugar na sana’y sasailalim na lamang sa MGCQ mula May 16.
“Lahat po ng parte ng Pilipinas ay nasa ilalim ng general community quarantine maliban po sa Metro Manila, sa probinsya ng Laguna at sa siyudad ng Cebu na mapapasailalim sa Modified ECQ,” pahayag ni Roque sa online press briefing.
Sinabi rin ni Roque na inaprubahan din ang IATF Resolution No. 36 kung saan inaatasan din ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na gumawa ng ‘Green Lane’ upang mapabilis ang pagpapauwi sa mga stranded OFW’s at hinihikayat ang DSWD at LGU’s na direktang bumuli ng agri-fishery products at bigas sa mga kooperatiba ng mga magsasaka na siya namang ipapamahagi sa food packs distribution ng pamahalaan.
Nakasaad din sa IATF Resolution No. 36 ang pagpahintulot sa LGU’s na bumili at gumamit ng FDA-approved antibody test kits.
Discussion about this post