Mainit na sinalubong ng mga lider at mga mamamayan ng Apostoliko Bikaryato ng Puerto Princesa si Apostolic Papal Nuncio Gabriele Giordano Caccia na dumating sa lungsod kahapon ng 11:00AM. Si G. Caccia ang panauhing pandangal at nanguna sa Banal na Misa kanina para sa ginanap na “Bugsayan 2019.”
Mula paliparan, sa pamamagitan ng motorcade, ay agad na dumiretso ang arsobispo sa Immaculate Concepcion Parish (ICCP) upang basbasan ang rebolto ng santo at co-founder ng Puerto Princesa na si Ezequiél Díaz Moreno na masaya namang sinalubong ng mga mag-aaral ng Holy Trinity University (HTU) at Immaculate Conception Parish Learning Center, mga miyembro ng Focolare Movement at ng mga mananampalataya.
Matapos ang ilang minutong seremonya ay dagsa ang mga deboto sa daan na nag-aabang sa kanya upang magmano at hindi rin mawawala ang magpa-selfie.
Nagtanghalian ang nunsiyo sa Katedral at bandang 3:00 PM ay nakipag-courtesy call kay City Mayor Lucilo Bayron sa kanyang tanggapan sa New Green City Hall sa Brgy. Sta. Monica.
Nagpalitan ng masayang kwentuhan sina Archbishop Caccia, Mayor Bayron at ilan sa mga pinuno ng iba’t ibang departamento ng lungsod.
Pahapyaw na binuksan ng nuncio ang isyu sa planong paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya na ipinabatid naman ng Punong lungsod na lilikha rin ng hiwalay na rehiyon mula sa nasabing mga lalawigan at tatawaging Region IV-C. Pinag-usapan din nila ang pinagmulan ng mga magulang ng Alkalde at ibinahagi niyang mula sa lalawigan ng Bohol gaya rin ng kasalukuyang Obispo ng Bikaryato ng siyudad na si Bishop Socrates Mesiona.
Kabilang din sa kanilang pinag-usapan ay ang hindi pa ganoon karamdam na bigat na daloy ng trapiko kumpara sa Kamaynilaan, ilan ang botante ng lalawigan at ang naranasang pagpapababa sa pwesto kay Bayron na ayon sa kanya ay dahilan kaya maaari pa siyang tumakbo sa susunod na halalan.
Nagbigay din ng token si Caccia kay Mayor Bayron, ang “Laudato Si,” ang ikalawang Encyclical ni Pope Francis habang ang Alkalde naman ay nagbigay sa panauhin ng perlas na nakalagay sa shell sa loob ng isang box.
Nang ihain ang mga pagkaing Pinoy para sa kanilang merienda, ikinatuwa ng mga naroroon na unang hinati ng arsobispo ang isang puto-kutsinta at inilagay ang lakahati sa pinggan ng Punong Lungsod at sa kanya naman ang natira at ginaya rin naman ni Mayor Bayron nang kumuha ng parte ng bibingka.
Sa kabilang dako, gaya rin ng dagsang taong sumalubong sa Ambassador ng Vatican sa Katedral ay napuno rin ang tanggapan ng Punong Lungsod sa mga empleyadong nag-abang sa kanyang paglabas upang magmano at magpakuha rin ng larawan.
Sa hiwalay na panayam naman kay Bb. Norma Valencia, isa sa mga miyembro ng isang international organization Catholic movement, ang Focolare Movement, inihayag niya ang lubos na kasiyahan sa pagdating ng natatanging bisita ng Simbahan.
“Kung ma-realize ko lang na ‘yung pinaka-ama ng Simbahang Katolika na ipinadala ng Santo Papa dito sa Pilipinas na dumating sa ating lungsod ay isang napakalaking grasya at biyaya [na] dahil parang, makita ko lang siya, ‘yung larawan niya, isang karawan na banal na tao, na totoong tumutupad sa mga sinasabi ng Simbahang Katolika at nagsasabuhay talaga ng totoong pagmamahal sa kapwa. So, it’s a blessing, it’s a grace to have him with us dito sa City lalo’t higit, tayo ‘yung last na kanyang dadalawin bago pa siya pumunta sa isang panibagong assignment bilang permanent observer ng United Nations,” ani Valencia.
Inaanyayahan din niya ang lahat, maging ang City officials na dumalo sa Banal na Misa at sa “Bugsayan.”
“Ang ‘Bugsayan’ kasi ay ang pagtitipon ng lahat ng mga katoliko sa buong Bikaryato. So, lahat ng mga parokya dadating sila dahil isang pagsasama-sama ito, isang pagpapalalim ng ating pananampalataya. Tapos may speaker, tapos magmimisa mismo ang nunsiyo at eleven o’clock,” aniya.
Samantala, ang naging tema naman ng taunang selebrasyon ngayong 2019 ang “Grateful for the Faith: We receive. We celebrate. We live. We Proclaim.”
Discussion about this post