Simula sa ika-28 ng Nobyembre ngayong taon ay ire-require na ang lahat ng magbibiyahe gamit ang eroplano na mag-register sa TRAZE Contact Tracing App.
Sa pamamagitan ng TRAZE Contact Tracing App, na magkasamang binuo ng Philippine Ports Authority (PPA) at ng Cosmotech Philippines, Inc., ay magagawa ng pamahalaan na mas mapalakas at mapabuti ang pagsasagawa ng contact tracing dahil magiging nationwide at unified na ito.
Sa impormasyong ipinaabot ng Civil Aviation Authority of the Philipines (CAAP) – Puerto Princesa, binuo ang nasabing mobile app para kung sakali mang may makasabay ang pasahero na isang COVID-19 positive na indibidwal ay may agad na magpapaalam sa kaniya.
Mahigpit umanong ipatutupad ang pag gamit ng contact tracing app. Sa pagpasok pa lamang ng pasahero sa paliparan ay kailangan na niyang mag-scan ng QR Code. Maaaring magamit ang QR code na ito saan mang tanggapan ng Department of Transportation (DOTr) sa buong bansa.
Narito ang ibinigay nilang mga paraan upang maka-download ng app:
1.) I-download ang TRAZE App sa inyong mobile store at i-install ito sa inyong telepono.
2.) Buksan ang app, pindutin ang “Register” button sa ibaba, at magrehistro bilang “Individual.”
3.) Sundin ang mga panutong nakasaad sa app at ilagay ang mga kinakailangang impormasyon.
4.) I-activate ang iyong account.
Para sa mga pasahero naman na walang mobile phones o anumang mobile gadget, maaari silang pumunta sa “Malasakit Helpdesk” ng kanilang nakatakdang paliparan upang matulungan silang magkaroon ng unique QR code. Maaari rin na isang miyembro ng pamilya ang magrehistro para sa pasahero na walang sariling mobile gadget.
Tiniyak naman ng mga kinauukulan na walang dapat ikatakot ang mga mamamayan pagdating sa kanilang privacy.
“With TRAZE, the contact tracing process can now be done in just a few minutes, unlike the usual and manual process. Not only that — you can also be assured that your data is safe and secured, as the app fully complies with the Data Privacy Act (DPA) RA 10173,” ang ibinigay na katiyakan ng mga kinauukulan.
Dagdag pa rito, hindi rin umano ito gagamit ng bluetooth o global positioning system (GPS), at gagana rin ito nang maayos kahit mabagal ang mobile data o WiFi na gamit.
Maaaring ma-download ang Traze App sa https://www.traze.ph/.
Discussion about this post