Umaabot sa halagang P32,501,770.14 kita mula sa mga Local Economic Enterprises (LEE) ang naitala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Provincial Economic Enterprise Development Office (PEEDO).
Ang PEEDO ay nakatalaga upang mamahala sa mga income generating facilities o ang mga LEE ng Pamahalaang Panlalawigan kasama na rito ang pagbibigay ng technical support sa mga small and medium economic enterprises na nagsusulong ng pag-unlad sa lalawigan ng Palawan base na rin sa nakasaad sa Section 2 (4) (4), Chapter I, Book II of the Provincial Ordinance No. 1304-13.
Batay sa kanilang talaan pinakamalaking bahagi rito ay nagmula sa Provincial Water Management Unit (PWMU) na umabot sa halagang P10, 105,054.10 kabuuang kita mula sa Roxas Water System, Balabac Water System, Cagayancillo Water System, at Magsaysay Water System.
Pumapangalawa sa talaan ang Village Electrification Program (VEP) na nakapagtala ng halagang P9,069,613.54 kita mula sa 3,812 na mga kabahayan na nakakonekta sa serbisyo ng 10 operating VEPs na nakatayo sa sampung mga barangay na matatagpuan sa mga munisipyo ng Balabac, Cuyo, Taytay, Araceli, Agutaya at Kalayaan Island.
Base sa datos ng naturang tanggapan bahagyang tumaas ang nalikom na kita ng Pamahalaang Panlalawigan kumpara sa P12,122,296.57 revenue generation para sa taong 2021 dahil na rin sa pagbubukas ng mga bagong income generating facilities sa lalawigan gaya na lamang ng water system projects at mga bagong bukas na VEPs.
Nakapagtala rin nga halagang P8,190,545.00 ang Calauit Safari Park Management Program (CSPMP) mula sa kabuuang koleksyon ng parke.
Upang lalo naming mapalago ang pinagkukunang kita mayroon nang nakalinyadang proyekto ang Pamahalaang Panlalawigan para sa pagsasaayos ng parke na itinuturing na tahanan ng 321 na mga alagang hayop.
Kabilang din sa mga naitala na nakapagbigay ng dagdag kitang local ng Palawan ay ang P3,023,680.00 mula sa pinagsamang kita ng Capitol Commercial Complex (CCC), Coron Bay Development Project (CBDP) at Light & Heavy Equipment rentals.
Ang El Nido Sewage and Solid Waste Treatment Plant (ENSSWTP), na kilala bilang kauna-unahang planta para sa waste and water treatment sa bansa ay nakakolekta ng P595,065.50 nitong buwan lamang ng Disyembre 2022.
Bukod dito mayroon ding naitala mula sa nagdaang Baragatan Festival 2022 na pinagsama mula sa 130 exhibitors ng food fair, private trade fair, Palawan souvenir at caraenan sa dalan, at nakapagtala ang PEEDO ng P626,000.00 bilang renta sa mga stalls habang sa Paskuhan sa Kapitolyo 2022 naman na nagkaroon ng 61 exhibitors ay nakalikom ng P360,000.00.
Sa nabatid ng Palawan Daily News na naging pahayag ni PEEDO OIC- Engr John Gil Ynzon ang mga kita ng bawat LEEs ay direktang pumapasok sa Pamahalaang Panlalawigan na isa rin sa ginagamit bilang pang-maintenance ng mga bagong tayong income generating facilities dagdag pa para sa pagpatatayo ng iba pang mga proyekto na makatutulong sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng mga Palaweño.
Batay sa kanyang sinabi, “Literally deposited siya directly sa Treasurer’s Office natin pero pasok pa rin siya sa 20% general fund natin wherein na-u-utilize rin siya ng Provincial Government for the continuity ng mga projects natin, specifically lalo ngayon yung mga LEEs natin ay newly opened. Aware naman tayo na kapag bagong bukas yung enterprise, dependent pa siya sa government until such time na maka-generate na siya and independently maka-operate na siya, ang commitment is after 3 years yung collection niya is mapupunta na sa gobyerno para magamit na rin natin for other projects aside from LEEs.”
Sa nakalipas na taon nakapagsagawa rin ang tanggapan ng workshops and trainings para sa entreprenurial development nito. Ilan lamang dito ay ang pagkakaroon ng Livelihood Trainings, Accounting for Non-Accountant’s Training, Partnership Trainings with Water.Org and USAID at 4th Negosyo sa Bayan Entrepreneurship Support and Development Training.
Dagdag pa sa kanyang ipinahayag, “Hindi natin sila pinapabayaan, continuous pa rin ang trainings sa ating employees and sa ating business sectors, especially yung mga small scale businesses dito sa lalawigan natin. Helping them na matulungan pa rin natin sila like for instance sa pag-ooperate sa pagmamarket ng mga products nila until madispose nila yung mga iyon ganun din sa enterprise nagka-conduct tayo ng continuity training para maging totally equipped sila and capable to handle yung mga LEEs natin.”
Discussion about this post