Sa pagpasok ng taong 2026 ay apat na cruise ships kaagad ang dumaong at sinalubong sa pantalan ng Puerto Princesa nitong buwan ng Enero.
Ang unang cruise ship na dumating ngayong taon ay ang MV Norwegian Sun ng Norwegian Cruise Line na muling dumaong sa pantalan noong Enero 9, lulan ang humigit-kumulang dalawang libong pasahero. Ang naturang barko rin ang huling cruise ship na sinalubong ng mga opisyal ng City Tourism Department bago matapos ang taong 2025.
Sumunod na dumating ang Italian-flagged na MV Costa Serena ng Costa Cruises noong Enero 13, na may lulan namang humigit-kumulang tatlong libong pasahero. Itinuturing ito bilang isa sa pinakamalalaking cruise ship na bumisita sa lungsod noong taong 2025 dahil sa laki ng kapasidad nito.
Ang Ikatlong dumating ay ang super yacht na MV Luminara ng The Ritz-Carlton noong Enero 20, na may lulan na mahigit dalawang daang pasahero. Ito ay sabay-sabay na sinalubong ng mga opisyal ng pamahalaang panlungsod at panlalawigan, sa pangunguna nina Mayor Lucilo Bayron at Governor Amy Roa Alvarez.
Bago magtapos ang buwan ng Enero, muli ring dumaong sa pantalan ang MV Star Navigator ng Star Cruises noong Enero 28, na may dalang mahigit dalawang libong pasahero. Ang Star Navigator ay nauna nang bumisita sa lungsod noong buwan ng Nobyemre ng nakaraang taon.
Sa bawat pagbisitang ito, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga turistang sakay ng mga cruise ship na makapunta sa mga kilalang pasyalan sa lungsod, kabilang na ang Puerto Princesa Subterranean River National Park and World Heritage Site, island hopping sa Honda Bay, at mga community-based tourism sites.
Sa bilang na ito, muling pinatutunayan ng Puerto Princesa ang katayuan nito bilang isang “premiere cruise ship destination” sa bansa.
Batay sa huling datos ng Puerto Princesa City Government, nakapagtala ang lungsod ng pinakamataas na cruise arrivals noong taong 2025 na umabot sa 20 cruise ships, lulan ang humigit-kumulang 27,023 pasahero at 13,043 tripulante. Ipinakita rin ng datos ang pagtaas ng mahigit 46.63 porsyento sa bilang ng mga pasahero at crew kumpara noong taong 2024, gayundin ang pag-angat ng mahigit 33.33 porsyento sa bilang ng mga barkong nag-port call na itinuturing na pinakamataas sa mga nagdaang taon.
Para kay Mayor Bayron, ang patuloy na pagdami ng mga bumibisitang barko na may lulan na mga turista ay bunga ng mas pinaigting na paghahanda ng lungsod para sa cruise ship operations, pinahusay na pasilidad at kahandaan ng pantalan, at ang matibay na ugnayan ng pamahalaang panlungsod sa mga pambansang ahensya at tourism stakeholders.
Malaki rin umano ang naging ambag ng organisadong transportasyon para sa mga turista, mahigpit na pagpapatupad ng seguridad, at ang kalinisan ng lungsod upang muling piliin ng mga international cruise liners ang Puerto Princesa bilang destinasyon nito.
Dagdag pa rito, malaki rin ang naitutulong ng pagdating ng mga cruise ship sa pag-angat ng economic activity ng lungsod, partikular sa mga negosyong may kaugnayan sa turismo tulad ng mga souvenir shop, transport services, kainan, at iba pang maliliit na negosyo.
Matatandaan na noong Setyembre ng nakaraang taon, tumanggap ang lungsod ng pagkilala mula sa Department of Tourism matapos itong gawaran ng Philippine Tourism Excellence Award for Lakbay-Dagat (Cruise Destination) para sa taong 2025 hanggang 2027, bilang pagkilala sa natatangi nitong husay sa pagpapaunlad at pamamahala ng cruise tourism.
Samantala, tiniyak naman ni Bayron ang patuloy na pagpapalakas ng mga programa ng lokal na pamahalaan upang masiguro ang kahandaan ng lungsod sa inaasahang pagdami pa ng cruise ships at upang makapagbigay ng de-kalidad na karanasan sa mga bumibisita.














