Nakatakdang mamigay ang City Health Office (CHO) ng Buntis Kits na magagamit ng mga inang nagdadalang-tao sa kanilang panganganak kapag sila ay pumasa sa criteria ng tanggapan.
Ayon kay Population Program Officer Analiza Herrera ng Population Management Division ng CHO, galing ang nasabing kits sa pagkapanalo ng kanilang tanggapan sa patimpalak ng Department of Health noong nakaraang taon na kung saan, itinanghal na kampeon ang Lungsod ng Puerto Princesa sa buong rehiyon.
“Yan ay prize ng pagkapanalo ng City Health Office, in particular, the Population Management Division para sa Purple Ribbon Award. Ang Purple Ribbon Award is Search for Best LGU Implementer sa buong MIMAROPA on the Responsible Parenthood and the Reproductive Health [Act of 2012] o ‘yong RPRH [Law],” ani Herrera sa isang phone interview. Ginagarantiya ng RPRH Act of 2012 (RA 10354) o mas kilala bilang “Reproductive Health Law (RH Law)” ang universal access sa fertility control, contraception, maternal care at sex education.
Ayon pa sa pinuno ng Population Program Division, nasa 550 pirasong kit na nagkakahalaga ng P400,000 ang dumating sa lungsod noong nakaraang linggo at pormal na tinanggap ni City Mayor Lucilo Bayron noong Setyembre 16 sa pamamagitan ng isang turn-over ceremony.
Ang naturang mga kit ay naglalaman ng tooth brush, tooth paste, diaper, cord clamp, thermometer, alcohol, betadine, mouthwash, mittens, maternal diaper, baby towel na may hood, bulak, medyas, at bag.
MGA MAKIKINABANG
Ani Herrera, ang mga makikinabang sa nasabing mga gamit ay ang mga buntis na manganganak pa lamang sa kasalukuyan, nakapa-prenatal ng kahit isang beses sa unang tatlong buwan, kahit isang beses uli sa ikalawang trimester at dalawang beses sa huling trimester. Aniya, ang magkwa-qualify sa criteria base sa listahan ng mga midwife na nagsasagawa ng pre-natal ay sila ang magiging benepisyaryo.
Gayundin umano, ang ibang requirement ay magmumula sa coordinator ng maternal and child care program ng CHO. Isasama rin aniya sa qualification ang limitado ang kapasidad o walang kapasidad ang isang nanay na makabili ng mga pangangailangan.
“Bihira kasi sa atin, mababa ‘yong accomplishment ng Puerto Princesa pagdating sa pre-natal. Usually kasi, they come to Barangay Health Station or centers kapag nasa second o third trimester na sila o kapag malapit nang manganak. Ang [mainam] sana, makita natin sila sa first trimester palang—isang beses, isang beses din sa second trimester and dalawang beses sa last trimester o ang sinasabi nating 1-1-2 na pre-natal check-up nila,” aniya.
Sa kasalukuyan umano ay nagba-validate pa lamang ang CHO sa mga hawak nilang datus base sa mga nai-submit ng mga midwife na na-identify na mga kasalukuyang buntis.
Dagdag pa ni Herrera, sa semi-annual report ng CHO, ang kanilang projection ay magkakaroon ng humigi’t kumulang 4,000 na pagbubuntis sa buong taon ngunit sa pinakahuling report na kanyang nakita ay mayroong na-identify na 2,000 na rough estimate simula Enero hanggang Hunyo. Ito umano ay posibleng nakapanganak na buntis ang ibang nasa listahan.
ZERO MATERNAL DEATH
Biigyang-diin pa ni Herrera na target ng Lungsod ng Puerto Princesa sa ngayon ang walang mamamatay sa panganganak o magkaroon ng kamatayan na kaugnay sa panganganak
“Kaya ‘yan ang sinasabi natin sa mga pregnant mothers na ang pagbubuntis is not a disease na magiging dahilan ng kanilang kamatayan but it’s a part of life, it’s a phenomenon na pinaghahandaan. Hindi ito disaster pero magiging cause ito ng disaster kung …ang magiging parents, specially the mother [ay magpabaya],” aniya.
Aniya, kailangang magpa-check-up na sa unang trimester ang isang buntis upang maagang makita kung kasama sila sa high risk na pagbubuntis o nasa kategoryang “too young” o masyado pang bata para magdalang-tao na nag-e-edad 19 pababa, “too old” o may edad na para mabuntis o 35 taong gulang pataas, “too many” o marami na ang naging supling at “too soon” o walang maayos na agwat sa taon ng panganganak.
Discussion about this post